Noong Martes ay ipinagdiwang natin ang ika-125 Anibersaryo ng Pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas. Ang bahaging ito ng kasaysayan ay nagpapaalala sa atin ng ating identidad bilang isang mamamayan ng bansang ito. Lubos kong ipinagmamalaki dahil ang aking lolo sa tuhod, lolo ng aking ina, si Ariston Gella, ang pinakaunang parmasyutiko ng Probinsya ng Antique, ay isa sa mga naging bahagi ng Kongreso ng Malolos na bumalangkas sa pinakaunang Konstitusyon.
Ang paggunita natin sa anibersaryo ng pagpapasinaya sa Unang Republika ay hindi lamang isang paggunita sa nakaraan kundi isang paalala rin ng mga aral na ibinahagi sa atin ng kasaysayan.
Sa kasalukuyan, ang higit nating kailangan ay isang Republikang matatag, nagkakaisa, buo, at may iisang layunin – ang maging katuwang ng bawat Pilipino sa pag-ahon at pag-unlad. Isang Republika na ang adhikain ay mabigyan ng katuparan ang matagal ng dinadaing ng bawat Pilipino, ang lumaya sa pagkakagapos mula sa kahirapan at umunlad ng walang napag-iiwanan.