Lubos akong naniniwala na malaki ang kontribusyon ng teknikal na edukasyon sa pagpapaunlad sa kasanayan ng mga manggagawa at progreso ng ating bayan. Kung kaya’t sa pagtalakay natin sa panukalang badyet ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Plenaryo, sinang-ayunan natin ang karagdagang pondo para sa iba’t ibang programa ng ahensya.
Sa pamamagitan ng TESDA, nagtutulungan ang mga ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon sa pagbibigay ng pagsasanay na umaangkop at tumutugon sa mga pangangailangan ng isang komunidad. Kabilang sa mga bagong probisyon na idinagdag sa bersyon ng Senado ay ang probisyon sa rice extension services. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng aktibong pakikipag-ugnayan ang TESDA sa mga agricultural officers mula sa local government units upang matiyak ang malawakang pagsasagawa ng mga rice training programs na ibinibigay ng TESDA.
Nais nating lalo pang palawakin ang TESDA para ang bawat Pilipino ay may pagkakataong magkaroon ng mga kasanayan na magagamit nila sa kanilang hanapbuhay at personal na kaunlaran.