Paghahawi ng Tabing ng Panandang Pangkasaysayan Unang Bahay Sambahan ng Unang Lokal ng Iglesia ni Cristo (Enero 28, 2025)

Isang malaking karangalan para sa akin, bilang Tagapangulo ng Komite ng Senado sa Kultura at Sining, ang maimbitahan at makadalo sa paghahawi ng tabing ng Panandang Pangkasaysayan para sa Unang Bahay Sambahan ng Unang Lokal ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Punta, Sta. Ana, Maynila.
Bilang masugid na tagapagtaguyod ng pangangalaga sa ating kasaysayan at kultura, labis akong humanga sa makasaysayang paggunita sa pagsisimula ng Iglesia ni Cristo noong 1914 sa Pilipinas.
Kasama ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na pinamumunuan ni Regalado Trota Jose Jr., at ang Tagapag-ugnay ng Christian Family Organizations (CFO) ng Iglesia ni Cristo, ang Kapatid na Angelo Eraño Manalo, sampu ng kanyang sambahayan, nasaksihan ko kung paano nagsimula ang paglaganap ng Iglesia ni Cristo sa bansa, mula sa pinakapanganay nitong lokal, isang bahay ng mga trabahador ng Atlantic Gulf and Pacific Company sa Punta, Sta. Ana, kung saan unang nangaral ang kapatid na Felix Y. Manalo.
Ang unang kapilya sa lokal ng Punta, Sta. Ana na itinayo noong 1937 ay ginawang Museo sa atas din ng Ka Eraño Manalo noong 1998. Ibinalik ang unang bahay sambahan sa dati nitong kaanyuan, mula sa kanyang pintuan, kisame, upuan, hanggang sa mga bintana nito. Pinasinayaan ang Museo noong taong 2000.
Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng patuloy na nagtataguyod ng ating makulay na kasaysayan at kultura. Ang paglalantad ng panandang pangkasaysayan na ito ay hindi lamang isang pagdiriwang ng nakaraan, kundi isang patunay ng matatag na pananampalataya, pagkakaisa, at pagsusumikap na nagbibigay-inspirasyon sa kasaysayan ng ating bayan.