Duro gid nga salamat sa University of Antique (UA) sa paggawad sa akin ng pinakamataas na institusyonal na parangal—ang Butlak Busalian o The Radiance of Excellence.
Maraming salamat kay UA President Pablo Crespo sa pagkilala sa lahat ng tulong ng inyong Inday Loren sa unibersidad sa aking ilang taon ng panunungkulan bilang Kongresista at ngayon bilang Senador sa ika-apat na termino. Ang aking mga adbokasiya ay katuwang sa mga layunin ng unibersidad—Kawayan (Bamboo), Kuron (Palayok), Karan-un (Kakanin), at Kultura (Culture).
Sa kawayan, sinuportahan natin ang pagtatayo ng Bamboo Processing Center sa Sibalom Campus. Sa Kuron, nagtayo tayo ng Pottery and Brick Making Facility sa UA. Sa Karan-un, itinatag natin ang Food Processing Center sa tulong ng DOST. Sa Kultura naman, ating isinasagawa ang cultural mapping ng Panay at Guimaras kasama ang University of the Philippines Visayas.
Gayundin, ang Butlak Busalian ay iginawad sa akin dahil sinisimbolo ng inyong lingkod ang UA core values gaya ng integrity, commitment, excellence, at social responsibility (katampad, katutum, kinaadman kag kabalaka).
Ikinatutuwa ng aking puso na ang plaque na iginawad sa akin ay gawa sa kawayan at bunga ng Bamboo Processing Center sa unibersidad na aking lubos na sinuportahan.
Hangad ko na mapaunlad ang buhay ng bawat kabataang Antiqueño sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng dekalidad na edukasyon.
Sa akun mga kasimanwa, kamo ang akun inspirasyon, kag tungod sa inyo wara katupong nga pagpalangga kag pagsuporta, makasarig kamo kang akun padayon nga pagserbisyo para sa ikamayad kang atun probinsya kag kang bilong nga Pilipinas. Duro duro gid nga salamat sa inyo pagsarig kag pagkilala.
(Sa aking mga kasimanwa, kayo ang aking inspirasyon, at dahil sa inyong walang kapantay na pagmamahal at pagsuporta, asahan niyo ang aking tuloy-tuloy na paglilingkod para sa ikauunlad ng ating probinsya at ng buong Pilipinas. Maraming salamat sa inyong tiwala at pagkilala)