Mga serbisyo para sa ikauunlad ng pamumuhay ng bawat Pilipino – ito ang matagal na nating pangarap para sa ating mga kababayan.
Sa aking pagbisita sa aming probinsya ng Antique noong nakaraang linggo, napag-alaman ko na hindi pala mandatoryong miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) ang barangay captains at mga kagawad. Kung kaya’t sa tulong ng aking kapatid na si Cong. AA Legarda, sisikapin po naming matulungan ang 4,720 barangay officials mula sa 590 barangays sa aming lalawigan na maging miyembro ng Social Security System (SSS). Kami pong magkapatid ang magbabayad ng kanilang first-month voluntary contribution fees bilang panimula.
Bilang may-akda ng RA 11199 o ang Social Security Act of 2018, nagpapasalamat ako sa SSS sa pagdaraos ng Stakeholder’s Forum sa Antique. Mahalaga na ang mga ahensya ng gobyerno ay lumalapit sa mga tao para maipaliwanag nang husto ang mga serbisyo ng ating pamahalaan.
Ang aming handog na ito ay ang aming pasasalamat sa mga serbisyo ng ating barangay captains at mga kagawad na nagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa buong Antique. Maraming salamat sa inyo! Ang inyong Inday Loren at Cong. AA ay laging handing tumulong sa abot ng aming makakaya.