Marami sa ating mga kababayan ang nakararanas pa rin ng kahirapan at hindi pa lubos na nakababangon mula sa epekto ng nakaraang pandemya. Marami ang nawalan ng trabaho at kabuhayan. Kaya’t sa aking pangunguna sa pagdinig para sa badyet ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa taong 2024, tiniyak natin na ang mga pondong inilalaan sa ahensya ay nakatutulong sa pagbuo ng mga trabaho, pagbabawas ng kahirapan, at tumutugon sa mga isyu at pangangailangan ng bawat rehiyon.
Kabilang sa ating tinalakay ay ang mga programang pangkabuhayan gaya ng DOLE Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Worker (TUPAD) at DOLE Pangkabuhayan. Siniguro natin na sapat ang mga pondong inilalaan para sa mga ito at maipararating sa mga kwalipikadong benepisyaryo dahil malaki ang naitutulong ng mga programang ito sa kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng maraming komunidad at pamilyang Pilipino.