Pamana: Mga Hinabing Salaysay ng mga Katutubong Pilipino

August 9, 2023

MENSAHE NI SEN. LOREN LEGARDA
Pamana: Mga Hinabing Salaysay ng mga Katutubong Pilipino
Komemorasyon ng National Indigenous Peoples Day 2023

Agosto 9, 2023

 

Isang maalab na pagbati sa ating mga kapatid na katutubo sa pagdiriwang ng National Indigenous Peoples Day at sa lahat ng mga katutubo sa buong mundo sa paggunita ng International Day of the World’s Indigenous Peoples (IPs)! Kasalukuyan nating ipinagdiriwang ang okasyong ito sa pamamagitan ng isang eksibisyon na pinamagatang “Pamana: Hinabing Salaysay ng mga Katutubong Pilipino.”

Bilang principal sponsor ng Republic Act 10689, na nagtalaga sa ika-siyam ng Agosto bilang Pambansang Araw ng mga Katutubo, hangad kong patuloy na pagyamanin ang pang-unawa at pangangalaga sa ating mga kapatid na katutubo.

Taos-puso kong pinasasalamatan ang ating mga kapatid na katutubo, our culture bearers, bilang tagapangalaga ng ating kayamanang pamana. Dahil sa kanila, hindi mawawala sa kamalayan ng mga Filipino ang ating mga katutubong salaysay, gawain at tradisyon.

Ngayong 19th Congress, inihain natin ang Senate Bill No. 838, o ang Resource Centers for Indigenous Peoples Act gayundin ang Senate Bill No. 839, o ang Traditional Property Rights of Indigenous Peoples Act na naglalayong tiyakin na mapangalagaan at maprotektahan ang lahat ng kultural na ari-arian ng mga katutubo. Dagdag pa ang pagbabayad ng royalties sa paggamit ng mga pag-aaring kultural ng mga katutubo.

Masaya kong ibinabalita sa inyo na ang “Cultural Mapping Bill” na ating inakda at binalangkas ay malapit nang maging batas. Ito ay mag-aatas sa lahat ng local government units na kilalanin, pag-aralan at protektahan ang pamanang kultura, at higit na magpoprotekta sa ating mga kapatid na katutubo.

Noong ako ay nanilbihan bilang Representative ng Lone District of Antique, naghain ako ng resolusyon para imbestigahan ang pagbebenta ng mga counterfeit garments mula sa ibang bansa na tila ginagaya ang habi ng ating mga kapatid mula sa Cordillera. Nararapat lamang na kilalanin ang kanilang intelektwal na ari-arian na nagbibigay kahulugan sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

Sabay sa pagsulong ng teknolohiya ang pagbubukas ng mga bagong pagkakataon para maipagmalaki at mapromote natin ang ating mga tela. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga online platforms, maipapakita at mapapangalagaan natin ang mayamang pamanang ito sa digital space. Maipaaabot sa mas malawak na madla ang magagandang disensyo ng ating mga tela, maipakikita ang galing ng ating mga katutubo, at mapalalakas pa ang kanilang tinig sa pamamagitan ng pagbabahagi nila ng kanilang mga kwento at kontribusyon sa industriya ng tela sa ating bansa.

Lumalakas ang suporta sa ating mga tradisyonal na tela at materyales na masusing hinahabi ng ating mga katutubo gamit ang kanilang talento, sipag at pagkamalikhain. Hindi lihim na ako mismo ay may malalim na pagmamahal at pagpapahalaga sa mga tela at habing likas na gawa ng ating mga kababayan, lalo na ng mga katutubo.

Pinangunahan natin ang pagkakatatag ng unang permanenteng gallery ng tela sa bansa, ang Hibla ng Lahing Filipino sa Pambansang Museo, at ang Hibla Travelling Exhibition na natunghayan na ng iba’t ibang lahi. Mahal ko at ipinagmamalaki ang ating mga katutubo at kanilang mga produkto kaya naman patuloy kong binubuhay ang lumang tradisyon ng paghahabi.

Marami pa tayong kayang gawin at kailangang gawin. Patuloy nating pahalagahan ang ating mga tradisyon katulad na lamang ng paghahabi. Nais ko ring pasalamatan ang DOST-Philippine Textile Research Institute at ang mga katuwang nito para sa inyong pagsusumikap at dedikasyon, ang inyong patuloy na pagtulak para sa pagpapabuti ng ating mga inisyatiba, pagsuporta sa mga adbokasiya ng bawat isa, at kasabay nito, para sa pagtataguyod ng ating tradisyon sa pamamagitan ng pananaliksik at pagpapalawak ng kaalaman. Sama-sama nating itaguyod ang pangangalaga sa karapatan at pamanang kultura ng ating mga katutubo upang ipagpatuloy ang salaysay ng ating lahi.

Muli, binabati ko ang ating mga katutubo sa pagdiriwang ng National Indigenous Peoples Day.

Maraming Salamat! Isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!