Pabubukas ng eksibit tungkol sa katutubong wika, pinangunahan ni Legarda
April 29, 2024Pinasinayaan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, katuwang ang mga opisyal mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang Eksibit sa mga Wika ng Katutubong Pamayanan sa Senado ng Pilipinas sa Lungsod ng Pasay.
Tampok sa naturang eksibit ang mayaman at makabuluhang wika ng mga pangkat etnikong Remontado at Ata, partikular ang kanilang wikang tinatawag na Hátang Kayé at Inatá na matatagpuan sa ilang mga komunidad sa Probinsya ng Quezon, Rizal, at Negros Occidental.
Ayon sa mga huling pag-aaral, ang mga nasabing wika ay kabilang sa 36 na lenggwahe na nanganganib nang mawala dahil sa kakaunti na lamang na mga katutubong Pilipino ang nakapagsasalita ng mga ito.
Giit ni Legarda, ang pagkabilang ng mga lenggwahe sa kategoryang ‘malubhang nanganganib’ ay dahil sa tinatawag na ‘language shift’ sa loob ng komunidad at matatanda na lamang ang gumagamit ng mga ito na siyang dahilan upang hindi na maipasa sa nakababatang henerasyon.
“Ang kanilang mga komunidad ay matatagpuan sa kabundukan, pero bumababa sila sa bayan para ibenta ang kanilang mga produkto, mamili ng kanilang mga kailangan na wala sa bundok, maghanapbuhay at iba pa. Mas nagagamit nila ang wika ng sentro kaysa sa kanilang katutubong wika,” saad ni Legarda.
Ayon sa isinagawang census ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong taong 2020, nasa 11,547 na lamang ang polulasyon ng mga Remontado sa mga komunidad, isa sa mga dahilan kung bakit kumakaunti na ang nagsasalita ng wikang Hátang Kayé.
Samantalang, ayon sa pananaliksik ng KWF noong 2022, nasa 30 katutubong Ata na lang ang nagsabing unang wika nila ang Inatá.
Hinikayat ni Legarda ang mga Pilipino na patuloy na palaganapin ang misyong pagyamanin pang lalo ang mga katutubong wika, kasama na ang pagsasagawa ng mga eksibit upang masigurong hindi maglalaho ang ganitong aspeto sa kultura ng bansa.
“Patuloy ko pa ring hinihikayat ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang entidad na paigtingin ang mga programa at proyektong magpapasigla sa wika at kultura ng mga katutubong mamamayan. Sa mga IPs, lalo na sa mga lider ng ICCs, malaki ang tungkulin na inyong gagampanan upang mapasigla ang inyong wika at mapanatili ang inyong kultura,” saad ng senador.
“Naniniwala ako sa inyong kakayahan na gawin ito at kami ay patuloy na susuporta sa inyo. Sama-sama tayo sa pagpapasigla sa mga nanganganib na wika,” dagdag pa ni Legarda.
Ang eksibit ay magsisimula ngayong Lunes, ika-29 ng Abril 2024 at magtatapos sa ika-10 ng Mayo 2024. (30)