Paalala ni Legarda sa Publiko: Tamang Paghahanda sa Bagyo at Storm Surge

December 6, 2014

Pinaalalahanan ngayon ni Senador Loren Legarda ang publiko sa mga paraan upang paghandaan ang bagyo dahil na rin sa mas dumaraming lugar na naaapektuhan ng Bagyong Ruby.

 

Ayon kay Legarda dapat ay regular ang pag-monitor ng mga balita, weather advisories at anunsyo tungkol sa paglikas lalo na ng mga nakatira sa lugar na nasa ilalim na ng public storm warning signals.

 

Samantala, dapat ay handa na rin ang mga ahensya ng gobyerno na tumugon sa pangangailangan ng mga komunidad na inaasahang maaapektuhan ng bagyo.

 

Pinaalala ni Legarda ang mga paghahandang dapat gawin base sa Disaster Preparedness and First Aid Handbook na binuo ng Senate Committee on Climate Change kasama ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

 

Ano ang dapat gawin kapag may paparating na bagyo

·      Manatili sa loob ng bahay at maging kalmado.

·      Patuloy na umantabay sa mga ulat sa TV at radyo.

·      Patibayin ang mga bahagi ng bahay na maaaring maapektuhan.

·      Putulan ng sanga ang mga puno na malapit sa bahay.

·      Maglaan ng nararapat na lugar sa kalsada para sa emergency vehicles.

·      Tumungo sa mga itinalagang evacuation centers kung kinakailangan.

·      Maghanda ng flashlight at radyo na may bagong baterya.

·      Maghanda ng sapat na pagkain, maiinom na tubig, gaas, baterya at first-aid supplies.

·      Kapag bumaha, patayin ang main switch ng kuryente, siguraduhin nakasara ang tangke ng gas at mga gripo.

·      Ilagay ang mga gamit sa mataas na lugar batay sa inaasahang taas ng baha. Ilagay ang mga mahahalagang gamit pati na ang mga kemikal at basura sa hindi aabutin ng baha.

·      Lumayo sa mababang lugar, pampang ng ilog, kanal at dalampasigan, bangin at paanan ng burol at bundok. Maaaring magdulot ito ng landslide, rockslide at mudslide.

·      Huwag lumusong sa baha kung hindi kailangan. Huwag tumawid sa mabilis na umaagos na tubig.

·      Huwag gumamit ng kasangkapang de-kuryente at gas kung ang inyong tahanan ay apektado ng baha.

 

Nagbabala din si Legarda sa posibleng storm surge sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.

 

Ang storm surge ay biglaang pagtaas ng tubig-dagat na magreresulta sa marami at naglalakihang alon. Kadalasan itong nangyayari kapag ang isang bagyo na may dalang malakas na hangin ay papalapit sa mga baybaying lugar.

 

Ano ang dapat gawin kapag may inaasahang storm surge

·      Siguruhing makalikas kasama ang buong pamilya bago magkaroon ng storm surge.

·      Lumayo sa baybaying dagat o sa mga beach kapag may abiso ng bagyo sa inyong lugar.

·      Makinig sa PAGASA bulletin/warnings/forecast na ipinamamahagi ng media. Ang storm surge warning ay kasama sa domestic bulletins.