Message: Centennial Birth Celebration of Gov. Julian Fullon Pacificador
February 26, 2019Message of Senator Loren Legarda
Centennial Birth Celebration of Gov. Julian Fullon Pacificador
26 February 2019 | Hamtic, Antique
Sabi nila, ang isang tunay na lider ay yung nakapagbibigay ng inspirasyon sa kaniyang pinamumunuan na mangarap ng higit pa, matuto ng higit pa, at gumawa ng higit pa.
Mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas nang pumanaw si Governor Julian Fullon Pacificador, ang unang ama ng Hamtic, ngunit patuloy pa rin siyang nagbibigay ng inspirasyon sa mga Hamtikanos at sa lahat ng mga Antiqueños.
Isa siyang magiting na mandirigma at pinuno na may isang salita, ngunit marahil ang kaniyang pagpapahalaga sa kasaysayan, sining at kultura ang siyang nagdala sa kaniya papalapit sa kanyang mga kasimanwa.
Ang kaniyang mga inisiyatiba tulad ng Pista sa Nayon at Agro Industrial Fair ay patuloy na nagbibigay daan sa pagkakaisa at pagpapahalaga sa mga produktong lokal. Samantalang, ang kaniyang mga proyekto upang isulong ang sining at kultura, lalo na ng kagalingan ng mga Antiqueño, ay nagpataas ng kumpiyansa at nagdulot ng “pride of place”.
Madalas kong sinasabi na habang tinatahak natin ang landas patungo sa hindi mapipigilang pag-unlad ng ating probinsiya, dapat ay huwag tayong makalimot sa ating kultura at kasaysayan. Dapat ay patuloy nating paunlarin ang ating kalinangan na isang mahalagang instrumento sa pag-unlad; pausbungin natin ang turismo sa pamamagitan ng mga magagandang lugar sa probinsiya at sa mga makasaysayan at makukulay na kapistahan; at lumikha tayo ng marami pang kabuhayan sa pagpapaunlad ng mga tradisyunal na industriya.
Sa araw na ito na binibigyang pugay natin ang unang ama ng Hamtic at isa sa mga naging ama ng buong Antique, nais kong hikayatin ang aking mga kasimanwa na balikan ang mga natatanging katangian na ipinamalas ni Governor Julian Fullon Pacificador at gamitin nating inspirasyon sa ating pagsulong bilang isang probinsiya.
Duro gid nga salamat, Governor Pacificador sa iyong naging kontribusyon sa ating mahal na probinsiya. Gabayan mo kami dahil ito na ang panahon na aming hinihintay. Panahon run kang pag-uswag, Antique!