Mensahe ni Deputy Speaker Loren Legarda: World Teachers Day
October 5, 2021Happy World Teachers Day sa lahat ng guro na walang katumbas ang dedikasyon para maghatid ng de-kalidad na edukasyon sa ating kabataan sa kabila ng hamon sa ating education system dulot ng kasulukuyang pandemya.
Nais kong ipaabot ang aking buong-pusong pagpupugay sa patuloy ninyong pagpupursige na magampanan ang inyong sinumpaang propesyon sa kabila ng pagpapatupad natin ng blended learning system.
Isang napakalaking hamon para sa education sector ang pandemyang ito dahil sa mga karagdagang responsibilidad na inyong kailangang pangatawanan upang masiguro na ang bawat bata ay natututo at nagagabayan sa kabila ng pagbabawal ng nakasanayan ng face-to-face learning.
Batid ko din ang hirap na pagkasyahin ang inyong kasalukuyang sweldo upang matugunan ang mga karagdagang resources kagaya ng laptop, tablet, internet expenses, at sa aking pagkakaalam ay dumadating pa sa punto na pati kagamitan sa pag-reproduce ng inyong mga learning materials ay may mga pagkakataong kailangan pa ninyong kunin sa inyong sariling bulsa.
Noon pa man ay tinitingala ko na ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng ating mga guro.
Maraming matatagumpay na businessman, abogado, doctor, politiko, at mga ibang professional na ang hinubog ng ating mga guro upang marating nila ang tugatog ng kanilang tagumpay. Ngunit sa kabila ng inyong kasipagan, hindi natin maipagkakaila na may mga guro, lalo na sa mga pampublikong paaralan, ang pilit pa rin na pinagkakasya ang buwanang sweldo para sa sarili at para sa pamilya.
Sa aking pagnanais na maiangat ang kalagayan ng ating mga guro, isinulong at pinondohan ko noong ako ang Chairman ng Senate Committee on Finance ang pag-taas ng tinatawag na chalk o cash allowance ng ating mga guro mula 1,500 pesos ay naging 2,500 pesos noong 2017 at 3,500 pesos naman noong 2018. Akin ding sinuportahan ang alokasyon ng 800 million pesos sa ilalim ng DepEd budget upang mapagkalooban ang ating mga guro ng dagdag allowance na ibinibigay sa araw ng ating pagdiriwang ng World Teachers’ Day. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na mabigyan ng ganitong insentibo ang ating mga guro.
Batid ko na maliit na bagay at halaga lamang ang halaga na ito kumpara sa mga sakripisyo at kasipagan ng ating mga guro para sa maayos na edukasyon sa bansa, ngunit umaasa akong kahit papaano ay makabawas sa mga suliranin ng ating mga guro ang mga amendments kong ito sa budget noon, at ang mga programang ito ang nais ko pang maipagpatuloy gawin sa mga susunod na taon.
Nais ko din isulong na maisabatas ang increase sa buwanang sahod ng ating mga guro mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 para sa entry level, gayundin ang mapaglaanan sila ng dagdag budget para sa internet allowance bilang suporta sa blended learning expenses.
Sa ating mga guro, asahan ninyong patuloy ninyo akong magiging kasangga at boses upang magtaguyod ng mga programa at proyekto para sa inyong karapatan at kapakanan.
Sa muli, ito po si Loren Legarda, bumabati ng Happy World Teachers’ Day sa lahat ng mga guro.
Mabuhay kayo! Isang luntiang araw sa inyong lahat.