Mensahe ni Deputy Speaker Loren Legarda World Environment Day June 5, 2021
June 5, 2021Sa pagdaan ng panahon, mapapansin natin ang unti-unting pagbagsak ng kalusugan ng ating mundo.
Ang malawakang pagkasira ng ating ecosystem ay nagdudulot ng malaking epekto sa kalagayan ng ating biodiversity at ng iba’t ibang uri ng ating mga halaman at hayop.
Ang pagnanais nating mapabilis ang pag-unlad sa pamamagitan ng pagpapatayo ng iba’t ibang industriya at gusali sa ating mga lupaing dati ay gubat, kakahuyan o sakahan ay siya ring pumipigil sa kakayahan nating matiyak na may sapat tayong ani para sa pagkain at tubig na maiinom.
Ang ating pagkahumaling sa kaginhawahang binibigay ng mga single-use plastics ay siya ring sumasakal sa buhay ng ating mga karagatan na siyang nagbibigay din ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Ang ating walang humpay na paggamit ng fossil fuels ay siyang patuloy na nagpapainit sa ating mundo, na nagbubunga ng mga mapaminsalang kaganapan sa klima.
Ngayong World Environment Day, nakikiisa ako sa pagsusulong ng adhikaing “Reimagine. Recreate. Restore.” upang mapigilan ang mabilis na pagkasira ng ating ecosystem at maibalik ang dating kalusugan at kalagayan ng mundo.
Ang patuloy nating pakikipaglaban sa krisis pangkalusugan ay resulta rin ng ating kapabayaan at walang habas na pang-aabuso sa ating kapaligiran. Sa kagagawan rin ng tao mismo nagsimula ang pandemyang ating kinakaharap sa kasalukuyan.
Ngunit, hindi pa huli ang lahat para tayo ay kumilos at gumawa ng makabuluhang aksyon upang maisalba ang kalagayan ng ating mundo. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng mga nature-based solutions na ang layunin ay muling buhayin at pasiglahin ang kalusugan ng ating ecosystem at mga pinagkukunang yaman, habang pinapagtibay ang kakayahan ng mga ito na labanan ang hamon sa klima at sakuna.
Habang marami sa mga batas ng ating bansa ay nakatuon na sa layuning maisulong ang sustainable at circular economy, kailangan natin ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na ito at kailangang nating paigtingin ang kooperasyon ng bawat mamamayan para sa mas epektibong implementasyon.
Simulan na natin ang unti-unting pagbuhay at pangangalaga sa kapaligiran sa ating kabahayan sa pamamagitan ng maayos na paghihiwalay ng ating basura, pagtatanim ng mga halamang gulay na karaniwang kinakain natin, at pagpapanatili ng isang sustainable lifestyle.
Huwag nating hahayaang tuluyang masira ang mundong bumubuhay sa atin. Maging responsable tayong tagapangasiwa ng ating mga likas yaman at maging tagapagtanggol ng ating kapaligiran upang masiguro natin ang malusog, maginhawa, at maayos na kinabukasan para sa ating lahat at sa mga susunod na henerasyon.
Hindi man natin maibabalik ang mga nawala na, hindi pa huli ang lahat, at may pag-asa at pagkakataon pa na magsimula muli nang tama para sa isang mas pinasiglang mundo.
Maraming salamat. Isang masaya at makabuluhang World Environment Day sa ating lahat!