Legarda: Pangalagaan at Pagyamanin ang Wikang Nag-uugnay at Nagbubuklod sa Atin
August 12, 2019Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, iginiit ni Deputy Speaker at Antique Congresswoman Loren Legarda ang kahalagahan ng Wikang Filipino at mga katutubong wika sa Filipinas.
Ayon sa kanya, ang mga ito ang nag-uugnay at nagbubuklod sa atin at siyang susi sa kaunlaran, kapayapaan, at katarungan. Binigyang-diin din niya ang malaking papel na ginagampanan ng wika sa ating kasarinlan at kaakuhan.
“Mahalagang pangalagaan at pagyamanin ang Wikang Filipino at mga wikang katutubo dahil ang mga ito ang nag-uugnay at nagbubuklod sa atin. Pinag-iisa ng Filipino ang ating mga adhikain, at pinagtitibay ang pundasyon ng ating bayan,” sabi ni Legarda.
“Higit pa rito, binubuhay nito ang mayamang kasaysayan at ang makulay na kultura at tradisyon ng ating lahi. Ito ang ating nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Sino nga ba tayo kung wala ang mga ito? Ano ang ating pagkakakilanlan?” dagdag niya.
Bilang bahagi ng kaniyang pagtataguyod sa Wikang Pambansa at mga katutubong wika, nakikipagtulungan ang Opisina ni Deputy Speaker at Congresswoman Loren Legarda sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagpapatayo ng mga Bantayog-Wika o language markers. Layunin ng Bantayog-Wika na ipagbunyi ang mga yaman ng mga wika sa Filipinas.
Noong nakaraang taon, itinayo ang kauna-unahang Bantayog-Wika sa Filipinas para sa Wikang Kinaray-a sa San Jose de Buenavista, Antique. Sa kasalukuyan ay mayroong 16 na Bantayog-Wika sa Filipinas: Kinaray-a (Antique), Tuwali (Ifugao), Mandaya (Davao Oriental), Kinalingga (Kalinga), Mangyan (Occidental Mindoro), Binukid (Bukidnon), Ayta Magbukun (Bataan), Tagalog Batangas (Batangas), Surigawnon (Surigao del Norte), Ibaloy (Lungsod Baguio), Bikol Sorsogon (Sorsogon), Pangasinan (Pangasinan), Blaan (Lungsod General Santos), Ivatan (Batanes), Tboli (South Cotabato) at Yogad (Isabela).***