Legarda: Pagbalik sa Pilipinas ng Balangiga Bells Tanda ng Pagka-Kaisa sa Pagitan ng Pilipinas at US
December 15, 2018Ikinatuwa ni Senadora Loren Legarda, na syang Tagapangulo ng Senate Committee on Foreign Relations, ang pagbabalik ng Balangiga Bells sa Pilipinas at nagsabing tanda ito ng kabutihang-loob, kapatiran at pagka-kaisang namamagitan sa Pilipinas at Estados Unidos.
Noong Martes, ang Balangiga Bells, ang tatlong kampana ng simbahan na kinuha ng Hukbong Amerikano noong taong 1901 bilang premyong-digma mula sa bayan ng Balangiga sa Silangang Samar, ay inilipad patungo sa Philippine Air Force headquarters sa Villamor Airbase.
“Ang pagbabalik ng Balangiga Bells sa Pilipinas ay nagpapatunay lamang sa paggalang ng pamahalaan ng Estados Unidos sa ating bansa at ang pagkilala at pagtupad nito sa ating pangmatagalang pagkakatuwang at pagkakaibigan,” sabi ni Legarda.
Noong taong 2007, naki-isa si Legarda sa mga panawagang maibalik sa Pilipinas ang Balangiga Bells sa gitna ng paggunita ng Balangiga incident at nagsulong pa nga ng Resolusyon sa Senado na humihikayat sa pamahalaan ng Pilipinas na subukin at tignan ang lahat ng maaaring gawin upang mahikayat natin ang pamahalaan ng Estados Unidos na agarang maibalik sa mga mamamayan ng Samar ang Balangiga Bells.
“Nagbunga na rin sa wakas ang pinagkaisa nating pagkilos patunay na nga rito ang pagdating ng mga Balangiga Bells dito sa ating bansa at sa pagbabalik nito sa bayan ng Balangiga kung saan ito nararapat. Kung noon ang mga kampana ay kinuha sa atin dahil sa pagka-poot at paghihiganti, ang mahalaga ngayon, bilang mga mamamayang Pilipino, ay nagsisikap tayo na makamit ang kapayapaan at pagkakaisa,” pagtatapos ni Legarda.