Legarda Nangangalap ng Suporta Para sa Livelihood Program ng DSWD
January 27, 2019Nanawagan at hiningi ni Senadora Loren Legarda ang suporta ng Senado upang matugunan ang kahilingan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa karagdagang pondo para sa kanilang Sustainable Livelihood Program (SLP) sa ilalim ng pambansang badyet para sa taong 2019.
Sa gitna ng mga talakayan sa Senado ukol sa panukalang batas sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sinabi ni Legarda na ang pagbabawas sa pondong laan para sa SLP para sa taong 2019 ay naka-apekto sa libu-libong mga manggagawang na kilala rin sa turing na memorandum of agreement (MOA) service workers na nawalan ng trabaho.
“Mayroong kahilingan mula sa DSWD para sa karagdagang pondong nagkakahalaga ng apat na bilyong piso. Ito ay para sa mga programang tinanggal sa National Expenditure Program (NEP) at sa General Appropriations Bill (GAB) dahil sa madalang na paggamit ng pondo sa mga nagdaang taon. Kasama na rin dito ang pondo para sa suporta sa pamamahala at pangangalaga sa mga tauhan at empleyado dahil sa libu-libong mga MOA service workers na siyang ngpapatupad ng SLP ay tuluyan nang naapektuhan,” sabi ni Legarda, Tagapangulo ng Lupon ng Pananalapi sa Senado.
“Susubukan ko sa gitna ng bicameral meeting na tuluyang maibalik ng buo ang pondong para sa SLP ng DSWD para hindi na natin kinakailangang mag-antay sa pagsasabatas ng 4Ps para lamang patuloy parin nating matulungan ang mahihirap,” giit ng Senadora.
Nanawagan at hiningi ni Legarda ang tulong at suporta ng kapwa niya mga Senador sa kanyang laban at pakikibaka upang maibalik ang laang-pondo para sa badyet ng SLP sa bicam at sinabing inaasahan niya na ito rin ay magiging permanente sa ilalim ng panukalang batas na 4Ps.
Ang SLP ay naglalayong mapabuti ang mga kakayanan ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino kasama ng mga ordinaryong mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang mga kakayahan, kagalingan, abilidad at likas na lakas sa paghahanap ng daan at solusyon tungo sa pagsisikap na makakita ng pagkakataong magkaroon ng pinagkakakitaang pangkabuhayan. Ito ay inaasahan na makadagdag sa tulong na naihahatid ng 4Ps.
“Totoo ngang nakatutulong ang 4Ps at mabuti ito para sa mahihirap nating mga mamamayan, ngunit naniniwala ako na ang SLP ay ang siyang tunay na makapagpapabago ng buhay ng mahihirap nating mga mamamayan at siyang makapag-aahon sa kanila mula sa kahirapan dahil sa pamamagitan ng programang ito, hindi lamang natin sila binibigyan ng isda, kundi tinuturuan din natin sila mangisda,” pagtatapos ni Legarda.