Legarda, Naghain ng mga Panukala Upang Itaguyod ang Paggamit ng Wikang Filipino
August 21, 2016Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ipinahayag ni Senador Loren Legarda ang kanyang patuloy na suporta sa pagbabalangkas at pagsasakatuparan ng mga mungkahing magtataguyod sa paggamit at pagpapayabong ng Wikang Filipino at iba pang katutubong wika sa bansa.
Ayon kay Legarda, mahalaga na tayo ay magkaroon ng malalim na pag-unawa at tamang paggamit ng Wikang Filipino para sa mas matatag na pakikipag-ugnayan at higit na pagkakaunawaan ng mga mamamayan.
Kamakailan ay pinarangalan si Legarda at ang kanyang tanggapan sa ginanap na Gabi ng Gawad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Hinirang ang kanyang tanggapan bilang isang Kabalikat-Wika dahil sa katangi-tanging dedikasyon sa pagsulong hindi lamang ng Wikang Filipino ngunit pati na rin sa mga katutubong wika sa bansa.
Sa mensaheng binasa ng kanyang kinatawan, sinabi ni Legarda, “Saludo po ako sa Komisyon sa Wikang Filipino dahil sa inyong pagtataguyod sa Wikang Filipino sa pamamagitan ng iba’t ibang mga proyekto at programa. Asahan po ninyo ang aking patuloy na pagtaguyod na maisulong ang mga panukalang batas para sa pagpapaunlad ng ating Pambansang Wika.”
Ipinaliwanag ng Senador ang ilan sa mga panukalang batas na kanyang isinusulong sa Senado gaya ng Senate Bill No. 433 na naglalayong itaguyod at pangalagaan ang Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat. Layunin nito na gawing karaniwan ang Baybayin sa pamamagitan ng paggamit nito sa mga pampublikong karatula, babasahin, logo ng mga ahensya, at maging sa mga etiketa ng mga produktong gawa sa bansa.
Ipinanukala rin ni Legarda ang pagsalin sa Wikang Filipino ng ating Saligang Batas sa pamamagitan ng Senate Bill No. 403. Sa pamamagitan nito ay mauunawaan ng mas nakararaming Filipino ang kanilang mga pangunahing karapatan at responsibilidad.
Kabilang pa sa mga isinulong ng Senador ay ang Senate Bill No. 390 na naglalayong ideklara ang Filipino Sign Language bilang opisyal na lengguwahe na gagamitin sa pakikipagtalastasan sa mga Filipinong may kapansanan sa pandinig.
“Hinihikayat ko ang patuloy na pagkakaisa sa mga programa at proyekto na magpapahatid ng pag-unawa sa tungkulin ng Wikang Filipino sa pagsulong sa pambansang adyenda at maging sa pagpapaunlad ng bawat komunidad sa bansa. Nawa ang bawat Filipino ay magkaroon ng kasanayan sa ating wika upang magdulot ng higit na pagkakaunawaan sa isa’t isa,” ani Legarda.