Legarda nagbigay-pugay sa mga Frontliners sa Araw ng Kagitingan
April 9, 2021Bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan, kinilala ni Deputy Speaker Loren Legarda ang mga bagong bayani ng bansa: mga doktor, nurse, health workers, pulis at miyembro ng Armed Forces ng Pilipinas, mga guro, mga utility staff, mga nagtatrabaho sa mga groceries, mga drivers at riders na naghahatid ng pagkain at mga kargamento, mga mangingisda at magsasaka, mga nagtitinda sa mga pamilihan, mga mamamahayag, mga security guard, mga OFW, at ang mga dedikadong mga kawani ng pamahalaan na walang pagod na tumutupad sa kanilang tungkulin sa gitna ng kinakaharap na krisis pangkalusugan.
“Saludo ako sa mga frontliner ng ating bansa para sa kanilang mga sakripisyo at walang kapantay na kontribusyon sa ating patuloy na pakikipaglaban sa COVID-19. Buong tapang nilang hinaharap ang banta ng pandemya at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin upang maibigay ang mahahalagang serbisyo na kailangan ng publiko,” saad ni Legarda.
“Habang ginugunita natin ngayon ang kagitingan ng ating mga sundalo na lumaban sa Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, huwag nating kalimutan na kilalanin ang ating mga frontliner na patuloy na nagbibigay ng kanilang serbisyo sa bayan. Binabati ko ang ating mga frontliner, ang ating mga bayani sa modernong panahon, para sa kanilang dedikasyon na paglingkuran ang bansa at ang sambayanang Pilipino sa kabila ng stress, panganib, at kaalaman na ang kanila mismong kalusugan ay nahaharap din sa banta ng virus,”pagtatapos ni Legarda. ***