Legarda ipinanawagan ang maayos at mabilis na pamamahagi ng ayuda
August 7, 2021Sa muling pagsasailalim ng Metro Manila sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ), ikinabahala ni dating three-term Senator na ngayon ay Deputy Speaker, Loren Legarda ang mga mamamayang maaapektuhan ang kabuhayan at kita bungsod ng striktong pagpapatupad ng restrictions.
Ayon kay Legarda, prayoridad ng pamahalaan na mapanatiling ligtas ang bawat Pilipino sa COVID lalo na ngayong may mas matinding Delta variant tayong tinututukan. Subalit, ayon din sa dating Senador, habang sinisuguro ang kalusugan ng bansa ay hindi rin maaaring ipagsawalang bahala ang mga kababayan na magugutom at mawawalan ng mapagkukunan sa araw araw.
“Tiwala ako na masusing pinag-aralan ng ating IATF ang hakbang na ito. Sana lang ay sa pagpapatupad ng ECQ ay handa rin tayo sa maaaring implikasyon lalo na sa pang-araw-araw na pangangailangan ng ating mga kababayan dahil hindi lahat ay may kakayanang masustentohan ang dalawang linggong walang income,” ani Legarda.
Nauna ng inihayag ng Malacañang na makakatanggap ng ayuda ang mga apektado ng ECQ. Samantalang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagpahayag din na makakatanggap ng ayuda ang mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor sa mga lugar na sasailalim sa ECQ. Kabilang sa programa ng DOLE na maaaring makapagbigay ng assistance sa ating mga kababayan ay ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP). Ang one-time cash assistance na ito na nagkakahalaga ng Php 5,000 para sa mga manggagawa sa pormal na sektor ay maaaring i-apply online. Samantalang ang mga informal workers ay maaaring lumapit din sa DOLE para sa programang, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) kung saan maaari silang bigyan ng menial jobs tulad ng paglilinis sa komunidad sa loob ng 10 hanggang 15 araw matapos ang ECQ at babayaran sila ng katumbas sa minimum wage.
“Karamihan sa ating mga kababayan ay umaasa sa arawang kita para pantustos sa pamilya, mawalan lang ng income isa o dalawang araw ay malaking suliranin na agad ang kawalan ng mapagkukuhanan ng makakain sa araw araw. Ang ayuda na mabibigay ng pamahalaan ay ang tangi nilang pag-asa upang mairaos ang dalawang linggong ECQ,” saad ni Legarda.
“Aking ipinanawagan ang agaran at maayos na pamimigay ng ayuda sa ating mamamayan. Magkaroon sana ng organisadong sistema ang ating mga LGUs upang masigurado na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan ay makatanggap ng assistance na magagamit nila sa loob ng dalawang linggong ito,” dagdag pa ni Legarda.***