Legarda, Ipinagdiwang ang Buwan ng Katutubo sa Pamamagitan ng Hibla Pavilion
October 19, 2012BILANG BAHAGI NG PAGDIRIWANG NG BUWAN NG MGA KATUTUBO, INILUNSAD KAMAKAILAN NI SENADOR LOREN LEGARDA, PINUNO NG SENATE COMMITTEE ON CULTURAL COMMUNITIES, ANG HIBLA PAVILION OF TEXTILES AND WEAVES OF THE PHILIPPINES, NA INAASAHANG MAKALULUTAS SA ISA SA MGA PINAMALAKING HAMONG HINAHARAP NG KATUTUBONG SINING NG MGA FILIPINO – ANG PAGLAHO NITO DULOT NG KAKULANGAN NG PAGPAPAHALAGA.
“Layunin ng eksibisyon na ito ang mailahad ang mga kwento ng ating mga katutubo sa pamamagitan ng kanilang mga habi na ipinamana pa sa kanila ng kanilang mga ninuno. Pinapakita din nito ang alab na taglay ng mga maestro sa paghabi at mga tagapagtaguyod ng kalinangan mula sa iba’t ibang katutubong pamayanan na mag-aral, lumikha at magturo,” sabi ni Legarda.
“Ang paghabi ay hindi lamang isang libangan o gawaing pinagkakakitaan, kundi ito ay isang gawain kung saan ang bawat hibla ay sumisimbolo sa tiyaga, pagtitiis, kasipagan at pag-ibig para sa kalinangan na patuloy na niyayakap at isinasabuhay ng mga katutubo,” giit niya.
Binibigyang-pansin ng Hibla Pavilion ang iba’t ibang tradisyunal na paghahabi gaya ng hinahabing mga katutubong kasuotan ng mga B’laan na nilagyan ng mother-of-pearl at ang tradisyon ng mga T’Boli na gumagawa ng mga intrikadong sinturon na nilagyan ng sequins, mga kampanang gawa sa tanso at mga beads. Ipinakikita rin dito ang kumplikadong tradisyon ng pagbuburda ng mga katutubo gaya ng tradisyunal na cross-stitching ng mga T’boli sa Mindanao at ang tradisyunal na pagbuburdang panubok ng mga Panay Bukidnon sa Visayas.
“Nais ng pagtatanghal na ito na itampok ang mayaman at makulay nating tradisyon sa pamamagitan ng mga Schools of Living Traditions (SLT), isang programa na matagal ko nang sinusuportahan upang maisiguro ang pagsalin sa mga susunod na henerasyon ang mga katutubong pamamaraan sa paghahabi, paggawa ng buslo, pananahi at beadwork.”
Matagal nang sinusuportahan ni Legarda ang pagpapaunlad ng mga cultural villages ng mga Ata-Talaingod, Mandaya, B’laan, at Bagobo Tagabawa sa iba’t ibang aktibidad ng kani-kanilang SLTs na naglalayong ituro sa nakababatang henerasyon ang katutubong sining at gawain ng mga komunidad na ito.
Tampok sa Hibla Pavilion ang iba’t ibang SLTs sa bansa. Nariyan ang tradisyunal na paghahabi ng mga Ivatan at Gaddang, ang paggawa ng mga banig mula sa abaca ng mga taga-Antique, ang mga buslo ng mga Iraya Mangyan na gawa sa nito, ang paghahabi ng mga Hanunuo Mangyan, ang paghahabing panubok ng mga Panay Bukidnon, ang paghahabing pulaw ng mga Subanen, ang paggawa ng mga banig ng mga Ekam Maguindanaoan, ang paghahabing liyang ng mga Ata Talaingod, ang paghahabi ng tinalak ng mga T’boli at ang paghabing mewel ng mga B’laan.
Ang Hibla Pavilion of Textiles and Weaves of the Philippines ay isa sa mga pangunahing tampok ng Manila FAME Design and Lifestyle Event 2012, na bukas mula 17-20 ng Oktubre 2012, sa SMX Convention Center, Pasay City.
Bago pa man mailunsad ang proyektong ito, matagal ng nag-organisa sa Senado si Legarda ng mga eksibisyon ukol sa kalinangan, kung saan ipinapakita ang natatanging galing at sining ng mga katutubong pamayanan.
Siya ang may-akda ng Philippine Tropical Fabrics Law ng 2004 na nagtatakda na gamitin ang katutubong hibla sa mga opisyal na uniporme ng mga empleyado at opisyal ng pamahalaan, upang lalong mapalakas ang ating lokal na industriya.
Noong 2011, matagumpay niyang inorganisa ang regional assemblies—sa Lungsod ng Baguio para sa mga katutubo sa Luzon, sa Iloilo City para sa mga katutubo sa Visayas, at sa Tagum City, Davao del Norte para sa mga katutubo sa Mindanao. Siya din ang nag-organisa ng kauna-unahang National Indigenous Cultural Summit na naging lugar para makapagdiyalogo ang mga katutubo sa mga lider ng lokal at nasyonal na pamahalaan at ng internasyonal na institusyon.
Sa unang bahagi ng 2012, inilunsad ni Legarda ang kauna-unahang permanenteng textile galleries sa bansa—ang Hibla ng Lahing Filipino: The Artistry of Philippine Textiles. Inorganisa niya ang Lecture Series on Philippine Traditional Textiles and Indigenous Knowledge, at kanya ding sinuportahan ang dokumentasyon ng mga katutubong kaalaman at kagawian sa Cordillera.