Legarda: Honor everyday Filipino heroes with protection, decent work, livelihood
August 31, 2026Senator Loren Legarda said honoring the country’s everyday heroes must go beyond ceremonies and words of gratitude, and must be reflected in fair compensation, safe working conditions, social protection, and opportunities for the people who keep communities functioning every day.
As the country observes National Heroes Day, Legarda called for stronger implementation of laws protecting workers and communities, as well as the passage of pending measures for barangay health workers, disaster responders, waste workers, farmers, fisherfolk, and employees required to work during calamities.
“Madaling tawagin silang bayani kapag may bagyo, may sakuna, may krisis, o kapag may okasyon. Pero kung tunay nating pinahahalagahan ang kanilang ambag, dapat nakikita iyon sa kanilang sahod, benepisyo, kaligtasan sa trabaho, kabuhayan, at proteksyon para sa kanilang pamilya,” Legarda said.
For the four-term senator, support for these sectors must be translated not only into legislation, but into programs that make a difference in their daily lives.
Over the years, she has worked to secure and strengthen government support for free irrigation for qualified farmers, livelihood and employment programs, skills training and scholarships, financing and equipment for micro and small enterprises, support for public school teachers, and agricultural machinery and facilities for farming communities.
“Hindi sapat na may batas o programa kung hindi naman ito nararamdaman ng tao. Kung may suporta para sa magsasaka, dapat nababawasan ang gastos at nadaragdagan ang kumita. Kung may programa para sa maliit na negosyo, dapat makatulong iyon para makapagsimula, lumago, at makalikha ng trabaho. Kung may suporta para sa guro, dapat mabawasan ang kailangan niyang ilabas mula sa sarili niyang bulsa,” Legarda said.
In the 20th Congress, she has pushed measures including the Magna Carta of Barangay Health Workers, the Calamity Work Compensation Act, the Magna Carta for Public Disaster Risk Reduction and Management Workers, and the Magna Carta of Waste Workers, which seek stronger compensation, benefits, occupational safety, training, and social protection.
“Hindi kailangang magsakripisyo muna nang sobra ang isang Pilipino bago siya tulungan ng gobyerno. Ang BHW na nag-aalaga sa buong barangay ay dapat may sapat na benepisyo at suporta. Ang manggagawang pinapapasok sa gitna ng bagyo ay dapat may dagdag na proteksyon. Ang waste worker na na araw-araw nalalantad sa peligro ay dapat may safety equipment at health protection. At ang disaster responder na unang humaharap sa panganib ay dapat may kasiguraduhan ding proteksyon,” she said.
For teachers, Legarda co-authored and co-sponsored the Kabalikat sa Pagtuturo Act, which institutionalized the teaching supplies allowance for public school teachers. Even before its enactment, she had consistently supported increases in assistance for teachers’ classroom needs through the national budget.
She also underscored the contribution of farmers and fisherfolk, noting that recognition must extend beyond calling them the “backbone” of food security.
Legarda has championed measures for free irrigation for qualified farmers under the Free Irrigation Service Act, sustainable agriculture, and stronger market access. Beyond legislation, she has also consistently coordinated in her personal capacity with organizations conducting rescue buys to help farmers sell surplus produce and avoid losses. In the current Congress, she filed the Local Harvest Support Act, which seeks to prioritize locally produced agricultural and fishery products in government procurement and establish mechanisms to purchase produce that could otherwise go unsold or to waste.
“Ang magsasaka at mangingisda ang nagpapakain sa atin. Kailangan nila ng puhunan, irigasyon, insurance, makatarungang presyo, at siguradong merkado. Hindi tama na lugi ang producer habang mahal naman ang pagkain na binibili ng consumer,” she said.
Legarda also cited the Batas Kasambahay and the Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises as examples of laws to translate recognition into enforceable rights and economic opportunities for workers and small entrepreneurs.
She said government must ensure that existing laws are properly funded and implemented, while Congress should move pending measures that address remaining gaps in worker protection and livelihood security.
“Sa National Heroes Day, ang mas mahalaga ay matukoy natin kung ginagawa ba natin ang tungkulin natin para sa ating mga kasalukuyang bayani. Ang tunay na pagpupugay ay disenteng kita, proteksyon kapag nagtatrabaho, tulong kapag may sakuna, puhunan at merkado para sa kabuhayan, at gobyernong hindi naghihintay na mawalan sila ng hanapbuhay o malagay sa peligro bago kumilos,” Legarda said.
“Hindi dapat hanggang saludo ang pagkilala natin sa mga Pilipinong araw-araw na bumubuhay sa ating mga komunidad. Dapat may kaakibat itong batas, budget, maayos na pagpapatupad, at konkretong resulta sa kanilang buhay,” Legarda concluded. (30)
—————————————————————————
Legarda: Parangalan ang mga bayaning Pilipinong nagsisilbi sa ating mga komunidad sa pamamagitan ng proteksyon, disenteng trabaho, at kabuhayan
Binigyang-diin ni Senador Loren Legarda na ang pagkilala sa mga bayaning Pilipinong araw-araw na nagsisilbi sa ating mga komunidad ay hindi dapat matapos sa mga seremonya at pasasalamat. Dapat itong makita sa makatarungang sahod, ligtas na kondisyon sa trabaho, social protection, at mga oportunidad para sa mga taong patuloy na nagsisilbi at nagpapanatili ng takbo ng ating lipunan.
Sa paggunita ng bansa sa National Heroes Day, nanawagan si Legarda ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na nagpoprotekta sa mga manggagawa at komunidad, gayundin ng pagpasa sa mga nakabinbing panukala para sa barangay health workers, disaster responders, waste workers, magsasaka, mangingisda, at mga empleyadong kinakailangang pumasok sa trabaho sa panahon ng kalamidad.
“Madaling tawagin silang bayani kapag may bagyo, may sakuna, may krisis, o kapag may okasyon. Pero kung tunay nating pinahahalagahan ang kanilang ambag, dapat nakikita iyon sa kanilang sahod, benepisyo, kaligtasan sa trabaho, kabuhayan, at proteksyon para sa kanilang pamilya,” pahayag ni Legarda.
Para kay Legarda, ang suporta sa mga sektor na ito ay hindi lamang dapat maisabatas, kundi maisalin din sa mga programang may tunay na epekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Sa paglipas ng mga taon, nagsikap siyang tiyakin at palakasin ang suporta ng pamahalaan para sa libreng irigasyon ng mga kwalipikadong magsasaka, mga programang pangkabuhayan at trabaho, skills training at scholarships, pautang at kagamitan para sa micro at small enterprises, suporta sa mga guro sa pampublikong paaralan, at makinarya at pasilidad para sa mga komunidad ng magsasaka.
“Hindi sapat na may batas o programa kung hindi naman ito nararamdaman ng tao. Kung may suporta para sa magsasaka, dapat nababawasan ang gastos at nadaragdagan ang kumita. Kung may programa para sa maliit na negosyo, dapat makatulong iyon para makapagsimula, lumago, at makalikha ng trabaho. Kung may suporta para sa guro, dapat mabawasan ang kailangan niyang ilabas mula sa sarili niyang bulsa,” diin ni Legarda.
Sa ika-20 Kongreso, isinusulong niya ang mga panukalang tulad ng Magna Carta of Barangay Health Workers, Calamity Work Compensation Act, Magna Carta for Public Disaster Risk Reduction and Management Workers, at Magna Carta of Waste Workers. Layunin ng mga ito na palakasin ang kompensasyon at benepisyo, kaligtasan sa trabaho, pagsasanay, at social protection ng mga manggagawa.
“Hindi kailangang magsakripisyo muna nang sobra ang isang Pilipino bago siya tulungan ng gobyerno. Ang BHW na nag-aalaga sa buong barangay ay dapat may sapat na benepisyo at suporta. Ang manggagawang pinapapasok sa gitna ng bagyo ay dapat may dagdag na proteksyon. Ang waste worker na na araw-araw nalalantad sa peligro ay dapat may safety equipment at health protection. At ang disaster responder na unang humaharap sa panganib ay dapat may kasiguraduhan ding proteksyon,” aniya.
Para naman sa mga guro, co-author at co-sponsor si Legarda ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, na nagsabatas sa teaching supplies allowance para sa mga guro sa pampublikong paaralan. Bago pa man ito maisabatas, palagi na niyang sinusuportahan ang pagtaas ng tulong para sa mga pangangailangan ng mga guro sa silid-aralan sa pamamagitan ng pambansang budget.
Binigyang-diin din niya ang mahalagang ambag ng mga magsasaka at mangingisda, at sinabing ang pagkilala sa kanila ay hindi dapat matapos sa pagtawag sa kanila bilang “backbone” ng food security.
Isinulong ni Legarda ang mga hakbang para sa libreng irigasyon ng mga kwalipikadong magsasaka sa ilalim ng Free Irrigation Service Act, sustainable agriculture, at mas malawak na access sa merkado. Bukod sa mga batas, personal din siyang nakikipag-ugnayan sa mga organisasyong nagsasagawa ng rescue buys upang matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang sobrang ani at maiwasan ang pagkalugi. Sa kasalukuyang Kongreso, inihain niya ang Local Harvest Support Act, na naglalayong bigyang-prayoridad ang mga lokal na produktong agrikultural at pangisdaan sa pagbili ng pamahalaan at magtatag ng mga mekanismo upang mabili ang mga produktong maaaring hindi maibenta o masayang.
“Ang magsasaka at mangingisda ang nagpapakain sa atin. Kailangan nila ng puhunan, irigasyon, insurance, makatarungang presyo, at siguradong merkado. Hindi tama na lugi ang producer habang mahal naman ang pagkain na binibili ng consumer,” pahayag niya.
Binanggit din ni Legarda ang Batas Kasambahay at Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises bilang mga halimbawa ng mga batas na naglalayong maisalin ang pagkilala sa mga konkretong karapatan at oportunidad sa kabuhayan para sa mga manggagawa at maliliit na negosyante.
Aniya, kailangang tiyakin ng pamahalaan na sapat ang pondo at maayos ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas, habang dapat ding aksyunan ng Kongreso ang mga nakabinbing panukalang tutugon sa mga kakulangan sa proteksyon ng mga manggagawa at seguridad sa kabuhayan.
“Sa National Heroes Day, ang mas mahalaga ay matukoy natin kung ginagawa ba natin ang tungkulin natin para sa ating mga kasalukuyang bayani. Ang tunay na pagpupugay ay disenteng kita, proteksyon kapag nagtatrabaho, tulong kapag may sakuna, puhunan at merkado para sa kabuhayan, at gobyernong hindi naghihintay na mawalan sila ng hanapbuhay o malagay sa peligro bago kumilos,” diin ni Legarda.
“Hindi dapat hanggang saludo ang pagkilala natin sa mga Pilipinong araw-araw na bumubuhay sa ating mga komunidad. Dapat may kaakibat itong batas, budget, maayos na pagpapatupad, at konkretong resulta sa kanilang buhay,” pagtatapos ni Legarda. (30)
