Legarda: Hindi kailangang magpanic buying, sapat ang suplay sa pagpapatupad ng ECQ
August 7, 2021Kasabay ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Metro Manila mula ika-6 ng Agosto hanggang ika-20, pinaalalahanan ni Deputy Speaker Loren Legarda ang publiko na iwasan ang panic buying dahil nauna ng inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na may sapat na supply ng basic commodities sa merkado.
“Walang dapat ipangamba ang publiko dahil siniguro na ng DTI na tuloy tuloy ang supply ng mga pangunahing pangangailangan sa merkado. Ang ating mga pamilihan ay mananatiling bukas ngunit kailangan pa rin nating sumunod sa safety and health protocols upang maging matagumpay ang layunin ng ating pagpapatupad ng ECQ,” ani Legarda.
Ayon kay Legarda, ang pagpapanic buying ay may dalang negatibong epekto sa merkado at sa mga kababayan nating may minimum wage na income. Saad pa ng dating Senador na maaaring maging sanhi ito ng shortage ng mga produkto sa merkado na maaaring maging dahilan ng pagtaas ng mga presyo. Nanawagan din si Legarda sa DTI na paigtingin ang pagbabantay sa takbo ng merkado upang masiguro na walang illegal na magpapatupad ng pagtaas ng presyo.
“Sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, ang dapat nating pairalin ay ang malasakit natin sa isa’t isa. Isipin nating hindi lahat sa atin ay may financial capacity na mamili ng bulto. Ang karamihan ay umaasa lamang sa pang-araw-araw na kita at may pagkakataong mamili sa oras na may pinanghahawakan na silang pera na sapat lamang sa isa o dalawang araw na konsumo,” sabi ni Legarda.
“Limitado din ang mga produktong kayang bilhin ng iba nating kababayan, lalo na ang mga nasa marginalized sector. Ano na lamang ang kanilang mabibili sa merkado kung wala ng natitirang produkto sa estante na pasok sa kanilang budget? Malasakit sa kapwa ang isa sa makakapagpatagumpay sa ating malampasan ang krisis na ito,” dagdag pa ni Legarda.***