Legarda Dinepensahan ang mga Empleyado ng PAGASA: “Sila ang Kaagapay Natin sa Pag-iwas sa Kalamidad”

August 16, 2012

NADISMAYA SI SENADOR LOREN LEGARDA SA NAAANTALANG PAGBIBIGAY NG MGA BENEPISYO NG MGA EMPLEYADO NG PHILIPPINE ATMOSPHERIC, GEOPHYSICAL AND ASTRONOMICAL SERVICES ADMINISTRATION O PAGASA. SINABI NITO NA SILA AY MAY MALAKING PAPEL NA GINAGAMPANAN SA PAGBABAWAS NG MGA PELIGRO NG KALAMIDAD.
“Ang PAGASA ang kaagapay natin sa pag-iwas at paghahanda sa kalamidad. Mababa na nga ang suweldo nila kumpara sa mga may kaparehong trabaho sa ibang bansa, naaantala pa ang kanilang mga benepisyo. Kung nais nating maging disaster resilient, kailangan nating pahalagahan ang serbisyong ibinibigay sa atin ng mga weather forecasters. Kung hindi natin ibibigay ang tamang kompensasyon, paano natin mahihikayat na maglingkod sa bayan ang ating mga magagaling na meteorologist?”, sabi ni Legarda.
Ayon rin kay Legarda na Chair ng Senate Committee on Climate Change, malinaw naman sa Magna Carta for Scientists o Republic Act 8439 na dapat bigyan ang PAGASA weather forecasters ng hazard allowance na katumbas ng 10 hanggang 30 porsyento ng kanilang buwanang sahod.
Ani Legarda, hindi lamang tayo sa teknolohiya dapat namumuhunan, kundi sa mga tao mismo na bihasa sa weather forecasting, dahil sila ang may kakayanan at kasanayan na makapigbigay sa atin ng tama at napapanahong impormasyon kung saan nakasalalay ang ating mga hakbang tuwing may nakaambang sakuna.
Pagkatapos naman ng lunch time protest na ginawa ng mga forecasters, hydrologists, at iba pang empleyado ng PAGASA, sinigurado ni Presidente Aquino na matatanggap nila ang kanilang mga benepisyo para sa unang semestre.