Legarda Binigyang-Diin at Itinampok ang Pinalakas na Ugnayan sa Pagitan ng Pilipinas at Alemanya sa Pagpa-Pasinaya ng Chancery sa Frankfurt
June 18, 2019Nakikita ni Senadora Loren Legarda ang patuloy na paglakas ng magkatuwang na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Alemanya sa muling pagbubukas ng Philippine Consulate General (PCG) sa Frankfurt.
Noong Ika-17 ng Hunyo naging Panauhing Pandangal si Senadora Loren Legarda sa pagpa-pasinaya ng muling pagbubukas ng PCG sa Frankfurt. Kung saan ang kaganapan ay kasabay ng pagdiriwang ng Konsulado ng ika-121st anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas at ng ika-65thanibersaryo ng magkatuwang na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Alemanya.
Pinasalamatan ni Consul General Evelyn Austria-Garcia si Senadora Loren Legarda para sa kanyang pagsuporta hindi lamang sa PCG sa Frankfurt kundi pati narin sa lahat ng mga misyong diplomatiko ng Pilipinas.
“Aming ikinararangal na naririto sa ating harapan ang ating pinaka-mamahal na Senadora Loren Legarda na siyang may kinalaman sa muling pagbubukas ng tanggapan na ito at marami pang ibang mga misyong diplomatiko sa buong mundo,” sabi ni Consul General Austria-Garcia.
Si Senadora Legarda, na nabigyan ng natatanging parangal ng mga embahador ng European Union sa Pilipinas, ay giniit sa kanyang talumpati na ang muling pagbubukas ng Konsulado sa Frankfurt ay sadyang kinakailangan, sapagkat ang Frankfurt ay sentrong himpilan ng mga bangko at komersyo at ito’y tirahan ng mahigit kumulang 15,000 na mga Pilipino at Pilipinong-Aleman.
“Sa mahabang panahon marami na tayong naging mga gawain kasama ng Alemanya. Ang GIZ ay isa sa mga pinakamalaking taga-suporta at taga-pagpondo ng mga proyekto sa Pilipinas,”sabi ni Legarda.
Si Legarda, na siyang may-akda ng Philippine Climate Change Act at ng People’s Survival Fund Law, ay nagsabi na ang GIZ ay patuloy na nakapagbibigay ng tulong pananalapi at teknikal sa Pilipinas upang makapagtaguyod ng kakayanan ng mga pamahalaang lokal sa pagtatayo natin ng resilient, pangkalahatan (inclusive) at nakapagpapanatiling (sustainable) mga pamayanan sa bansa, lalo na at ang Pilipinas ay isa sa mga bansang pinakaapektado sa nakaambang panganib ng pagbabago ng klima sa mundo.
Sinabi ni Legarda na ang dalawang bansa ay nagkaroon na ng malalim na ugnayang pang-kultura ng nabanggit niya na kasalukuyang nakatanghal sa konsulado ang memorabilia ni Dr. Jose Rizal. Ang mga bagay na nakalahad sa publiko ay ang mga pinahiram ni Dr. Fritz Hack Ullmer, isang Rizalistang Aleman na kaapu-apohan ni Pastor Karl Ullmer.
Kasama sa mga bagay na nakatanghal ay isang kama, mesang sulatan, paminggalan, kabinet, at damitan na nagmula pa sa silid pang-panauhin ni Pastor Karl Ullmer na ginamit ni Rizal na dumating sa Heidelberg sa Timog-Kanlurang Alemanya noong 1886 nang siya ay 25 taong gulang pa lamang. Pinaniniwalaang tinapos ni Rizal ang kanyang nobelang “Noli Me Tangere” gamit ang mesang sulatan na ito.
Sinabi rin ni Legarda na inaabangan niya ang pagtatanghal ng mga nalikom at naipong telang habi ni Dr. Jose Rizal sa Pilipinas.
“Noong pang taong 2013 nang natuklasan ko ang nalikom at naipong habing-tela sa Berlin Ethnological Museum at mula noon pinagsikapan ko na maidala ito sa Pilipinas para sa isang pagtatanghal,” paliwanag ni Legarda.
Ang nalikom at naipong habing-tela ay naibigay ni Dr. Jose Rizal sa kanyang kaibigan na si Dr. Adolf Bastian, isang ethnologist na Aleman na siyang nagtatag ng Berlin Ethnological Museum, kasama si Ginoong Rudolf Virchow, isang prehistorian na Aleman at antropologo. Kasama sa mga nasabing bagay ay mga telang habing-kamay tulad ng piña barong at alampay, isang kasuotang Bagobo, isang sukbit-sanggol na Mandaya, at isang abakang paldang Tboli.
Binahagi rin ni Legarda ang iba pang mga proyektong kanyang sinusuportahan. Mula pa noong taong 2016, siniguro ni Legarda na ang pakikilahok ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang country pavilion sa taunang Frankfurt Book Fair. Mayroon ding laang pondo para sa mga pagkilos pagtataguyod ng turismo sa ilalim ng tanggapan ng Kagawaran ng Turismo (DOT) sa Frankfurt; at ang Pilipinas ay nakilahok sa Ambiente 2019, isang pangunahing international consumer goods trade fair sa pamamagitan ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI).
Ang Hibla ng Lahing Filipino Travelling Exhibition, ang nagiikot na telang-habing pagtatanghal na likhang-isip ni Legarda kasama ng Pambansang Museo ng Pilipinas, ay itinanghal sa Frankfurt noong taong 2018. Mayroon ding Sentro Rizal doon sa PCG Frankfurt.
Ang Hibla ng Lahing Filipino Travelling Exhibition ay isang paglalahad ng ating mga likhang habing-kamay at gawang-sulsi mula sa mga telang piña-seda; habang ang Sentro Rizal ay isang lagakan ng iba’t-ibang bagay na may kauganyan sa pagtataguyod ng kasaysayan, sining, kultura, wika, at turismo ng Pilipinas. Isa sa mga pangunahin nitong mga layunin ay ang makapagbigay ng lugar kung saan ang mga anak ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat ay matuto ukol sa kanilang mga pamanang kultura sa pamamagitan ng programa at pagkilos pang-kultura.
Sinabi ni Legarda na kasama sa mga programa para sa kasalukuyang taon ay ang Philippine Studies sa Humboldt University at sa Ruhr University. Mayroon ding laang-pondo para sa isang football clinic na isasagawa ng isang sikat na koponang Aleman na magsasagawa ng pagsasanay sa Pilipinas.
“Nagkaroon na rin ng maraming mga gawain at pagkilos na may kaugnayan sa kultura at klima sa pagitan ng Pilipinas at Alemanya. Naisip kong ang mga ito ang dalawang natatanging bigkis sa pagitan ng dalawa nating mga bansa. Marami pa tayong dapat matutunan mula sa Alemanya sa pagtataguyod ng isang bansa na resilient, inclusive at sustainable lalung-lalo na kung paano tayong lumipat mula sa paggamit ng fossil fuels patungo sa tuluyang paggamit ng renewable energy,” sabi ng Senadora.
“Sa muling pagbubukas ng Konsulado ng Pilipinas dito sa Frankfurt, inaasahan natin na mas marami pang magagandang bagay ang darating sa pagitan ng Alemanya at Pilipinas. Simula pa lang ito ng marami pang programa na magtataguyod ng mas malalim pa nating ugnayan,” pagtatapos ni Legarda.