Legarda: Pangalagaan Natin Ang Wikang Pambansa at Katutubo

August 29, 2015

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto, iginiit ni Senadora Loren Legarda ang pagpapahalaga hindi lamang sa Wikang Filipino ngunit pati na rin sa mga katutubong wika sa Pilipinas.

 

Ayon kay Legarda, mahalaga ang pagkakaroon ng malalim na pag-unawa at tamang paggamit ng Wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan sa isa’t isa, higit lalo sa mga usapin patungkol sa kaunlaran, kapayapaan at katarungan.

 

“Ang pundasyon ng isang bansa ay lalong mapagtitibay kapag ang mga mamamayan ay nagkakaunawaan gamit ang isang wika na siyang magbubuklod sa ating mga adhikain. Kasabay ng ating pagpapayabong sa Pambansang Wika, hinihikayat din ang pagpapahalaga sa iba’t ibang katutubong wika sa bansa na maituturing natin na kayamanang buhat pa sa ating mga ninuno,” ani Legarda, Tagapangulo ng Committee on Cultural Communities ng Senado.

 

Bilang bahagi ng kaniyang pagtataguyod sa Pambansang Wika at mga katutubong wika, sinuportahan ng Senadora ang mga programa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) tulad ng Ortograpiyang Pambansa at ang Linguistic Atlas ng Filipinas.

 

“Ang Ortograpiyang Pambansa ang ating gabay sa pagkilala sa kasalukuyang anyo ng Wikang Filipino. Batid natin na nagkakaroon ng pagbabago sa wika upang makasabay sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon. Ang mga pagbabagong ito ang nilalaman ng gabay-aklat na binuo ng Komisyon sa Wikang Filipino,” ani Legarda.

 

Samantala, ang Linguistic Atlas ay maglalaman ng mga impormasyon sa mga katutubong wika gaya ng deskripsyon, mga baryason at distribusyon ng mga wika sa rehiyon na base sa pagdodokumento isinagawa ng KWF. Ayon sa Komisyon, mayroong isandaan at apatnapu’t siyam (149) na mga buhay na katutubong wika sa bansa.

 

Naghain din ng panukalang batas si Legarda na naglalayong isalin sa Wikang Filipino ang Saligang Batas ng Pilipinas upang ito ay maunawaan ng lahat ng Pilipino, lalo na iyong hindi lubos na nakaiintindi ng Ingles.

 

Pinangunahan din ni Legarda ang pagtatayo ng Baybayin: Ancient and Traditional Scripts of the Philippines, isang pamalagiang eksibisyon sa Pambansang Museo ng Pilipinas. Bukas ito sa publiko at makikita rito ang mahahalagang artifacts na naglalaman ng kasulatan sa Baybayin tulad ng Laguna Copperplate, ang Calatagan Pot, ang Intramuros Potsherd at Monreal Stones.