Legarda: Tapat na Paglilingkod Act, isang makabagong hakbang laban sa korapsyon

September 10, 2025

Binigyang-diin ni Senadora Loren Legarda ang kahalagahan ng pagbubukas ng mas malawak na diskurso ukol sa korapsyon, kasabay ng paghahain niya ng Tapat na Paglilingkod Act, isang panukalang batas na layong magtatag ng mga sistemikong reporma sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Legarda, ang paulit-ulit na mga anomalya mula sa bilyong pisong nawawala sa korapsyon hanggang sa mga substandard na proyekto sa flood control at imprastruktura ay patunay kung gaano kalalim ang pagkakaugat ng katiwalian sa sistema.

“Ngayon, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nasa sentro ng usapin. Pero ang totoo, laganap ito sa iba’t ibang ahensya. May kanya-kanyang paraan ng pagsasamantala. At ang mamamayang Pilipino ang laging nagbabayad ng presyo,” giit ng Senadora.

Binansagan ni Legarda na isang “game changer” ang panukala, dahil hindi ito umaasa lamang sa mga batas na nagpaparusa sa korapsyon matapos itong mangyari. Sa halip, layon nitong sugpuin ang ugat ng problema sa pamamagitan ng mga preventive measures, pagsusuri sa mga kahinaan ng sistema, at pagbuo ng mga panangga sa bawat ahensya upang maagapan ang pang-aabuso.

“Kadalasan, parusa lang ang tugon natin. Bihira tayong magtangkang putulin ang problema sa pinagmumulan nito. Ang panukalang ito ay mas malalim. Sinusuri nito kung saan nag-uugat ang korapsyon, at naglalatag ng mga estratehiyang tunay na makakalaban dito. Ganito natin binabago ang kultura ng pamahalaan,” paliwanag ni Legarda.

Dagdag pa niya, hindi dapat patahimikin ang mga tapat at makabuluhang lingkod-bayan.

“Hindi tayo dapat matakot pag-usapan ang korapsyon. Ang mga mabubuting tao sa gobyerno ang dapat pinalalakas ang loob. Ang mga gumagawa ng mali ang dapat mangamba. Sa pamamagitan ng mga sistemang nagtataguyod ng integridad at pananagutan, makakabuo tayo ng kulturang ang katapatan ang pamantayan, at ang korapsyon ang panganib.” ang pahayag ng Senadora.

Tinukoy rin ng Senadora ang tanong na madalas hindi nasasagot: Ano ang susunod na hakbang matapos ang imbestigasyon at parusa?

“Kapag natanggal na ang mga sangkot, kapag may kaso na, kapag may nakulong na, ano na ang susunod? Kung ang mismong sistemang nagpapalaganap ng korapsyon ay nananatili, walang tunay na pagbabago. Kaya kailangang tugunan ang ugat ng problema. Hindi ito panandaliang solusyon. Isa itong pangmatagalang hakbang para tuluyang buwagin ang ugat ng katiwalian.”

Ang Tapat na Paglilingkod Act ay mag-uutos sa mga institusyon na tukuyin ang mga panganib ng korapsyon, isulong ang mga hakbang para sa integridad, at gawing bahagi ng araw-araw na pamamahala ang pananagutan.

Binigyang-diin ni Legarda na tulad ng mga isyung pangkasarian, klima, at kultura na kanyang ipinaglaban sa apat na termino sa Senado, nagsisimula ang tunay na pagbabago sa pagbubukas ng usapan.

“Lahat ng repormang ipinaglaban ko, mula sa gender equality, climate action, hanggang sa pagpapalaganap ng ating kultura, nagsimula sa pag-uusap. Ginawang bahagi ng pambansang diskurso, at binuo ang mga solusyon mula sa kamalayang iyon. Hindi dapat naiiba ang korapsyon. Kailangang isabuhay natin ang prinsipyo laban sa korapsyon sa ating mga institusyon, palakasin ang mga gustong maglingkod nang tapat, at maglatag ng mga panangga laban sa pang-aabuso.” pahayag ni Legarda.

Sa pagtatapos, ipinahayag ni Legarda na ang pagsasapubliko ng paglaban sa korapsyon ay hindi lamang magbabalik ng tiwala ng taumbayan sa pamahalaan, ito rin ay magpoprotekta sa pambansang badyet mula sa pag-aaksaya, upang masiguro na bawat pisong ginagastos ay para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

“Ang Tapat na Paglilingkod Act ay tungkol sa pagtatag ng kulturang may integridad sa pamahalaan. Tungkol ito sa pagtiyak na ang paglilingkod ay para sa bayan, at para sa bayan lamang.” (30)