Legarda: RCEP maaaring makatulong palakasin ang sektor ng agrikultura ng Pilipinas
February 15, 2023Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na makatutulong ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa pagpapatatag ng agrikultura at ekonomiya ng bansa.
Aniya, ilang dekada nang nagdurusa ang sektor ng agrikultura at ang mga Pilipinong magsasaka dahil sa korapsyon, pagpapabaya at maling pamamahala, na dahilan ng kanilang hindi pagsang-ayon sa RCEP.
Upang pakinggan at masagot ang mga isyu ng mga grupong pang-agrikultura, nakipagdayalogo si Legarda sa kanila kasama ang mga pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan noong Pebrero 7, kung saan siniguro ni Legarda na pinahahalagahan ng Kapulungan ang kanilang mga hinaing at sila ay magiging bahagi ng pagmamanman ng Senado sa pagpapatupad sa mga naipangako.
Nanguna si Senate President Juan Miguel Zubiri at Legarda sa pag-sponsor ng Resolusyon ng pagsang-ayon sa RCEP.
Nanawagan si Legarda para sa konkreto at agarang aksyon sa pagtugon sa mga isyu ng iba’t ibang sektor upang mas mapakinabangan ang mga benepisyo ng mga pandaigdigang kasunduan gaya ng RCEP.
“Nais ko pong ipaabot sa inyo na pinag-aaralan ko nang masusi ang inyong mga sinabi. Narinig po namin kayo. May buod na kami ng lahat ng inyong hinaing at isinasaalang-alang lahat ng ito, hindi lamang sa pagratipika ng Kasunduang ito, kundi sa magiging gawain ng subcommittee na bubuuin para lamang sa pagsubaybay ng mga naipangako sa proseso ng pagraratipika,” sabi ni Legarda.”
“Sa kauna-unahang pagkakataon, may paniniwala akong kakayanin nating pagtagumpayan ang mga suliranin ng agrikultura sa mga darating na taon,” dagdag niya.
Ang RCEP ang pinakamalaking pandaigdigang kasunduan sa kalakalan. Sa 15 bansang kasapi nito, kabilang ang buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at lima sa pinakamalalaking trading partners nito – Australia, China, Japan, New Zealand, and South Korea – ang Pilipinas na lamang sa ASEAN ang hindi pa nakukumpleto ang pagratipika rito.
Sinabi ni Legarda na mula nang maratipika ang RCEP sa ibang bansa sa ASEAN at maipatupad noong 2022, tumaas ang export volume sa mga bansang kasapi rito at ito rin aniya ang nais niyang mangyari sa Pilipinas.
Dagdag pa niya, dahil sa European Free Trade Agreement (EFTA) na inisponsoran niya sa Senado noong 2017, tumaas ng 2.40% ang export volume sa pagitan ng Pilipinas at mga bansang kasali sa EFTA.
“Itataguyod po natin ang sektor ng magasasaka at mangingisda, hindi lamang sa Department of Agriculture, kundi sa buong pamahalaan. Sabay-sabay nating iangat ang sektor na nagpapakain sa atin. Isasama natin sila sa pagbuo ng mekanismo para matiyak ang mga hakbang na kailangan para hindi na ulit maramdaman ng magsasaka na naisahan na naman sila,” ani Legarda. (end)