Legarda Ibinahagi sa mga Magsasaka ang mga Programang Magpapaunlad sa Kanilang Kabuhayan

September 26, 2012

SINABI NGAYON NI SENADOR LOREN LEGARDA NA MARAMI NG MGA PROGRAMA PARA SA MAGSASAKA ANG MAKAKATULONG UPANG MAPAUNLAD ANG KANILANG KABUHAYAN AT MAPALAGO ANG SEKTOR NG AGRIKULTURA.
Sa kaniyang pakikiisa sa corn distribution para sa mga magsasaka sa Pangasinan, binigyang diin ni Legarda ang kahalagahan ng Republic Act 10000 o ang Agri-Agra Reform Credit Act of 2009 na naglalayong palaguin ang kabuhayan ng mga magsasaka at agrarian reform beneficiaries.
“Sa ilalim ng Agri-Agra Law, ang lahat ng bangko ay dapat maglaan ng 25% ng perang pwede nilang ipautang para sa agriculture sector. Maaaring pondohan ang pagbili ng hayop na pangsaka, gamit o makinarya, binhi, pataba, livestock, feed at iba pang kailangan sa farm production,” paliwanag ni Legarda.
Ibinahagi rin niya sa mga magsasaka ng Pangasinan ang mga programa ng gobyerno na makatutulong sa sektor katulad ng pagpapatayo ng mga Agri-Pinoy Trading Centers (APTC). Ito ay naglalayong palaguin ang kita ng mga magsasaka dahil direkta na nilang maibebenta ang kanilang mga produkto sa halip na dumaan pa sa mga tinatawag na middlemen.
Dagdag pa rito ay ang ginagawang talaan ng lahat ng magsasaka at mangingisda sa buong bansa upang masiguro ang mabilis at epektibong pagpapadala ng tulong at suporta sa agriculture at fisheries sector.
“Sa tulong ng mga programang ito, tayo ay umaasa na mapalalakas natin ang kabuhayan sa kanayunan. Sama-sama natin pagtibayin ang mga programa na magtataguyod ng isang maunlad at sustenableng sektong pang-agrikultura. Asahan nyo po ang aking patuloy na suporta sa ating mga magigiting na magsasaka,” ani Legarda.