Legarda: Ipatupad ang ‘road-sharing scheme’
January 11, 2016Hinihikayat ni Senador Loren Legarda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na unit ng gobyerno na ipatupad ang road sharing scheme sa Kalakhang Maynila upang mabawasan ang polusyon.
Sa isang special provision sa ating budget para sa 2016, nakasaad doon ang paglalaan ng pondo para sa road sharing activities.
Ayon kay Legarda, panahon na para wakasan ang car-centric approach kung saan naisasantabi ang mga sumasaky sa pampublikong sasakyan.
Sa road sharing scheme, 50% ng kalsada ay gagawing sidewalk para sa pedestrian, bike lane at urban garden habang ang natitirang kalahating parte ng kalsada ay ilalaan naman para sa pribadong sasakyan at organized na transport system.
Ang pilosopiya raw ng 50-50 road sharing ay para magamit ng publiko ang public space at hindi lamang ng mga kotse.
Naipatupad na ang naturang road sharing scheme sa mga siyudad sa Cebu, Iloilo, Marikina, Pasig at Vigan.
Mahirap man daw gawin ito sa Metro Manila, hindi naman aniya imposible na makita natin sa hinaharap ang nasabing pamamalakad sa kalsada.
Source: PTV News