Talumpati ni Senador Loren Legarda | Ika-127 Anibersaryo ng Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas | 1 Agosto 2025

August 1, 2025

Sa tuwing sinasambit natin ang salitang kalayaan, marahil ay sumisiklab sa ating isipan ang larawan ng ating watawat—iwinawagayway sa hangin, sagisag ng isang bayang bumangon mula sa pananakop.

Kasabay nito ang sigaw na “Malaya ang Pilipinas!”, isang tagumpay na isinilang sa tapang at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino, na humantong sa pagproklama ni Pangulong Emilio Aguinaldo ng ating kasarinlan noong ikalabindalawa ng Hunyo, labinsiyam na daan at siyamnapu’t walo.

Sa araw na iyon, unang umalingawngaw ang himig ng ating pambansang himno, kasabay ng pagwagayway ng ating bandila, sa harap ng isang malayang Pilipinas.

At pagsapit ng ika uno ng Agosto, dalawang daang pinunong-bayan mula sa labing-anim na lalawigan ang nagtipon dito mismo sa Bahay na Tisa upang pagtibayin ang nasabing proklamasyon sa pamamagitan ng Acta de Independencia na isinulat ni Apolinario Mabini at nilagdaan ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Ang dokumentong ito ang ating naging opisyal na tinig ng pagkakaisa, at ipinadala sa malalayong pulo at baybayin, tangan ang mensaheng: Narito ang isang bayang malaya. Narito ang sambayanang Pilipino.

Makalipas ang halos dalawang buwan, ito rin ang dokumentong kinilala at pinagtibay ng Kongreso ng Malolos. Personal ang kahulugan sa akin ng bahaging ito ng ating kasaysayan, sapagkat isa sa mga naging delegado ng Kongreso ng Malolos ay si Ariston Gella—ang aking lolo sa tuhod, lolo ng aking ina—na siyang kauna-unahang parmasyutiko mula sa lalawigan ng Antique.

At sino ang mag-aakalang, makalipas ang isandaan at dalawampu’t pitong taon, ating ginugunita ang mahalagang araw na ito bilang Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas, sa bisa ng isang batas na aking isinulong sa Senado, katuwang ang aking kaibigan, Kinatawan Lani Mercado-Revilla, ang kanyang kabiyak na si Senador Ramon Bong Revilla Jr., ang National Historical Commission of the Philippines, ang Bacoor Historical Society, at ang Pamahalaang Lungsod ng Bacoor.

Mga kasama, isinulong ko ang pagkilalang ito bilang pagbibigay- katarungan sa kabuuang salaysay ng ating kalayaan—isang kwento ng sama-samang paninindigan para sa iisang mithiin at pagpapatunay na ang Pilipino ay pinakamatatag kapag nagkakaisa.

Kaya’t ito ang dapat isapuso ng bawat henerasyon: ang kasarinlan ay hindi lamang laya ng pagkilos, kundi kakayahang gawin ang tama para sa kapwa, bilang isang bayang sumusulong para sa layuning higit sa sarili.

Kaya’t sa diwa ng Agosto Uno, inaanyayahan ko ang bawat Pilipino na pagyamanin ang kaalaman sa ating kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan—para sa isang lipunang may dangal, prinsipyo, at pananagutan.

Ito ang dahilan kung bakit, bilang Tagapangulo ng Komite ng Kultura at Sining sa Senado, patuloy kong isinusulong ang mga batas at programang nag-uugat sa ating pagka-Pilipino mula sa National Cultural Heritage Act at Cultural Mapping Law, hanggang sa pagtataguyod ng lahat ng anyo ng ating pamana: mga aklat, musika, dokumentaryo, museo, pagkain, panitikan, habi, wika, sining, at kaalamang katutubo.

Lahat ng ito ay alay sa sambayanang gising sa alaala, taas-noong kinikilala ang sarili, at may paninindigang likhain ang isang kinabukasang makatarungan. Sapagkat hindi ganap ang kalayaan kung salat tayo sa pagkilala sa ating pinagmulan. At sa gitna ng ating pagkakaiba sa anyo, tinig, at karanasan, nananatiling iisa ang ating kasaysayan.

Tungkulin nating pagtagpuin ang ating mga kwento at, mula rito, bigkasin at ilathala rin tuwing unang araw ng Agosto: Narito ang isang bayang malaya. Isang sambayanang Pilipinong may paninindigan, marangal ang puso, at walang kapantay ang pag-ibig sa kapwa at sa bayan.

Maraming salamat at isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!