2012 Pawikan Festival

November 30, 2012

Talumpati
2012 Pawikan Festival
Pawikan Conservation Center, Morong, Bataan
November 30, 2012

Ang Pilipinas ay napapaloob sa tinatawag na Coral Triangle na tirahan ng halos pitumpu’t pitong porsyento ng lahat ng coral species sa buong mundo, at higit sa dalawang libong uri ng hayop pandagat. Tunay na pinagpala ang ating bansa dahil sa ating mga likas na yaman.

Ngunit hindi rin maikakaila ang kapabayaan natin na nagdudulot ng pagkasira ng kalikasan at pagkawala ng ating mga likas na yaman. Isang mahalagang halimbawa na nga ang panganib na kinakaharap ng ating mga pawikan.

Ang mga pawikan ay kabilang sa mga pinakamatatandang uri ng hayop sa mundo, at kabilang rin sila sa pinakamatagal na nabubuhay. Matatagpuan sila sa maraming isla sa Pilipinas, ngunit dahil na rin sa panghuhuli sa kanila, pagnanakaw ng kanilang mga itlog, at pagdumi ng karagatan, nauubos na ang kanilang lahi.

Sa kasalukuyan, ang mga tao at ang mga mapanirang paraan ng pamumuhay ang kalaban ng mga pawikan. Noong nakaraang Hunyo nga lamang, nakumpirmang patuloy ang pagbebenta ng karne ng pawikan sa isang palengke ng Pasil sa Cebu.[1] At noong nakaraang Agosto, napag-alaman rin na may patuloy na nagtitinda ng mga itlog ng mga pawikan sa mga isla ng Tawi-Tawi.[2] Nakapanlulumo ang ganitong mga balita, ngunit ito rin ang dapat magpaigting pa sa ating pagnanais na iligtas sila.

Kaya’t lubos kong pinupuri ang lokal na pamahalaan ng Bataan para sa napakahusay na inisyatibong protektahan at paunlarin ang mga pawikang naninirahan sa mga isla at tubig dito.

Sinisiguro ko sa inyo na lubos rin kayong pasasalamatan ng mga susunod na henerasyon para sa inyong mga kontribusyon.

Sama-sama nating ilahad sa ating mga kababayan ang ating mithiin na magkaroon ng ligtas at malinis na karagatan hindi lamang para sa mga pawikan, kundi para sa lahat ng mga naninirahan sa ating bansa, hayop man, halaman, o tao. Sama-sama rin nating hadlangan ang mga masasamang loob na humuhuli sa kanila upang ibenta bilang mga alaga o di kaya’y gawing pagkain o souvenirs.

Tandaan natin na ang pagkaubos ng mga nabubuhay sa karagatan ay ugat ng kawalan ng mapagkukunan ng pagkain, at pagbagsak ng mga kabuhayan at ng turismo.
Tanungin natin ang ating mga sarili: nais ba nating maging kilala bilang mga mamamayan na nagpabaya sa kanilang kapaligiran habang ito ay nasisira at ang mga umaasa rito ay namamatay? O nais ba nating makilala bilang mga mamamayang responsable at may malasakit kay Inang Kalikasan?

Hinihikayat ko ang mga taga-Bataan na mangunang ipakalat ang mensaheng ito: Huwag na nating hintayin pang maubos ang mga pawikan, at mga litrato na lamang nila ang matira bilang ala-alang minsan silang nabuhay sa ating mundo. Kaya nating baguhin ang mapanirang mga gawi, at ilagay sa tama ang mga patuloy na umaabuso sa ating mga karagatan. Ituloy natin ang ating mga nasimulan, at patuloy na humanap ng bagong mga paraan upang masigurong masisilayan ng ating mga anak, at ng kanilang mga anak, ang ganda ng mga pawikan.

Kaakibat ninyo ako sa paghikayat sa ating mga kababayan na magtulong-tulong tungo sa isang luntiang Pilipinas.

Maraming salamat at magandang araw sa inyong lahat.

[1] http://www.gmanetwork.com/news/story/260524/news/regions/task-force-confirms-pawikan-meat-trade-in-pasil-cebu
[2] http://ph.news.yahoo.com/blogs/the-inbox/pawikan-eggs-sold-tawi-tawi-004002207.html