Speech: Hugpong ng Pagbabago (HNP) Campaign Rally in Antique

March 26, 2019

Message of Senator Loren Legarda

Hugpong ng Pagbabago (HNP) Campaign Rally

March 26, 2019 | Binirayan Gym, San Jose, Antique

 

Lahat tayo ay may kanya-kanyang batayan sa pagpili ng ating mga pinuno sa gobyerno. Iba-iba rin naman ang pamamaraan ng pagseserbisyo ng mga lingkod-bayan. Ang mahalaga, iisa ang hangarin na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino.

 

Isa po ang Nationalist People’s Coalition o NPC, na aking partido, sa mga ka-alyansang partido ng Hugpong ng Pagbabago (HNP). Kaya naman mainit ang ating pagbati at pagtanggap sa ating mga kapwa lingkod-bayan na tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng HNP na pinamumunuan ni Mayor Sara Duterte.

 

Karamihan po sa mga kasama sa senatorial slate ng Hugpong ng Pagbabago ay nakatrabaho na natin at napatunayan na natin na hindi biro ang kanilang kagustuhan na mag-serbisyo sa ating mga kababayan. Ganun din po ang inyong lingkod at ang aking mga kasama sa LCD slate—seryoso kami sa aming tungkulin na iangat ang buhay ng bawat Antiqueño kasabay ng aming probinsiya. Hindi namin hahayaan ang korapsyon at tiwaling gawain dahil sisiguraduhin namin na makararating sa tao ang mga programa ng gobyerno. Ito ang aming pangako at paninindigan.

 

Ang ating pinagkaisang adhikain ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng mabuting pamamahala at epektibong pamumuno. Ito ay malaking hamon ngunit hindi imposible lalo na sa ating may masidhing dedikasyon sa paglilingkod.

 

Sama-sama nating isusulong ang karapatan ng mga kababaihan, kabataan at senior citizens; higit na oportunidad para sa mga nasa kanayunan; dekalidad na edukasyon at serbisyong pangkalusugan lalo na para sa mga mahihirap; maayos na kalagayan at tamang benepisyo at proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino kabilang na ang ating mga OFWs; malinis na kapaligiran at ligtas na mga komunidad na handa sa anumang sakuna; at pagpapahalaga sa ating natatanging kultura.

 

Patuloy nating itaguyod ang katotohanan, katarungan at kabutihan para sa nakararami, at para sa isang maunlad at matatag na Pilipinas.

 

Duro duro gid nga salamat! Kruhay!