Pambansang Summit sa Wika ng Kalikasan at Kaligtasan
October 27, 2016Senator Loren Legarda
Susing Pananalita
Pambansang Summit sa Wika ng Kalikasan at Kaligtasan
27 Oktubre 2016 | Los Baños, Laguna
Una sa lahat, lubos kong pinasasalamatan ang mga nasa likod ng Pambansang Summit sa Wika ng Kalikasan at Kaligtasan sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Napakagandang lugar na pagdausan itong Bundok Makiling—hitik sa likas na yaman at mga alamat at kwentong bayan—akma sa tema ng komperensyang ito tungkol sa kalikasan at kultura.
Napakapalad natin na ang ating bansa ay sagana sa likas na yaman. Isa tayo sa tinatawag na mega-biodiversity countriesdahil sa dami ng iba’t ibang uri ng halaman at hayop na makikita sa ating bansa. Ang bawat probinsiya ay may maipagmamalaking natural tourist spot.
Ngunit nakakalungkot isipin na isa rin tayo sa biodiversity hotspots sa mundo dahil sa bilis nang pagkaubos ng ating mga likas na yaman dulot ng polusyon, pagkalbo ng mga kagubatan, paggamit ng mga iligal na pamamaraan ng pangingisda at overfishing, land degradation, at iba pa.
Dagdag pa rito ay ang hamon ng climate change o pagbabago ng klima. Kabilang sa mga inaasahang epekto ng climate change ay ang pagkawala ng libu-libong mga species pati na rin ang mga pagbabago sa natural ecosystems.
Noong nakaraang taon, inilunsad ng Cordillera Administrative Region Association of State Universities and Colleges (CARASUC), sa pangunguna ng Ifugao State University (IFSU), ang isang coffee table book na pinamagatang, “Guardians of the Forest, Stewards of the Land”. Ibinahagi ng mga taga-Cordillera ang mga katutubong pamamaraan ng pagsasaka at pangangalaga sa kalikasan—mga kasanayan na pilit pinangangalagaan lalo na at ang Hagdan-hagdang Palayan ng Ifugao ay nanganganib sa masamang epekto ng climate change.
Ilan pang mga SUCs ang kasalukuyang nagsasagawa ng pagsasaliksik upang makabuo ng kanilang sariling aklat tungkol sa kanilang mga katutubong kaugalian at pamamaraan sa pangangalaga sa kalikasan.
Napakahalaga ng ganitong inisyatiba dahil ang mga katutubong konsepto o ang mga tinatawag na indigenous knowledge systems and practices (IKSP) ang ating magiging takbuhan sa epektibong pagtugon sa hamong dulot ng climate change.
Batid nating lahat na ang mga bagyo ay pangkaraniwan sa mga bansang tropikal, tulad ng Pilipinas, na nakararanas ng higit kumulang dalawampung bagyo bawat taon. Ngunit ngayon, padalas ng padalas ang pagdating ng mapanira at mapinsalang ulan kahit sa panahong wala naman dapat bagyo.
Halos tatlong taon na ang nakalipas nang salantahin ng bagyong Yolanda ang Gitnang Visayas at iba pang kalapit na probinsya. Ayon sa mga report at pagsusuri, ang mga komunidad sa tabing-dagat na nangangalaga ng mga bakawan o mangrove ay nakaligtas sa matinding pinsala ng bagyo, samantalang ang mga komunidad na walang proteksyon mula sa bakawan ay nakaranas ng matinding trahedya.
Mayroon naman tayong sapat na batas at polisiya upang paigtingin ang mga katulad na programa sa pangangalaga sa kalikasan at pagtatayo ng isang matatag na komunidad.
Naisabatas na natin ang Clean Air Act, Clean Water Act, Ecological Solid Waste Management Act, Renewable Energy Act, Environmental Awareness and Education Act, Climate Change Act, Disaster Risk Reduction and Management Act, at People’s Survival Fund Law.
Ang pagsubok sa atin ngayon ay siguraduhing ang mga programa ng gobyerno ay magbibigay-daan sa pagsasakatuparan ng ating mithiing tuluyan at tuwirang pag-unlad.
Malaking bahagi ng pagtugon sa mga hamong pangkalikasan ay ang pangangalaga sa ating mga protected areas na mabisang sumisipsip sa carbon dioxide at iba pang greenhouse gases na nagdudulot ng patuloy na global warming.
Kaya naman ako ay nagagalak sa layunin ng summit na ito na halukayin at linangin ang mga katutubong konsepto mula sa iba’t ibang rehiyon upang makabuo ng mga makabuluhang resolusyon hinggil sa kalikasan at kaligtasan.
Nais kong magpasalamat sa inyo at patuloy kayong hikayatin—sana ay hindi kayo kailanman mapagod sa paggawa ng kung ano ang mabuti para sa ating kapaligiran at kalikasan, sa ating mga komunidad, sa ating planeta. Tayo ay nahaharap sa matinding pagsubok na protektahan ang ating pambihira ngunit nanganganib na biodiversity.
Marami pang pagsubok ang maaaring dumating ngunit gaya nga ng sabi ng Santo Papa, si Pope Francis, “Humanity still has the ability to work together in building our common home.”
Ngunit kailangan na nating magsimula ngayon bago pa maging huli ang lahat.
Gamitin natin ang pagtitipong ito hindi lamang upang makakuha ng kaalaman mula sa isa’t isa, ngunit upang isalin ang kaalamang iyan sa kongkreto aksyon.
Maraming salamat sa inyong lahat.