Pahayag ni Senador Loren Legarda sa Ika-8 Anibersaryo ng The Hague Ruling on West Philippine Sea
July 12, 2024Walong taon na ang nakararaan simula nang makuha natin ang tagumpay sa kasong isinalang ng Pilipinas para pabulaan ang nine-dash line ng Tsina na nagsasabing kanila ang halos buong South China Sea.
Para sa ating mga kababayang mangingisda at para sa bawat Pilipino na dapat makinabang sa mga yamang dagat ng West Philippine Sea, kailangan nating tiyakin hindi lamang na malaya nating magamit ang sariling atin, kundi makapangusap tayo sa lahat ng ating kababayan na huwag balewalain o bawasan ang halaga ng ganitong tagumpay. May mga akademiko at iba pa na nagsasabing wala naman tayong naipanalo, pilit na pinahihina ang ating posisyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga argumentong hindi maka-Pilipino.
Walang duda na itinakda ng tribunal na nasira ang ating kapaligiran sa West Philippine Sea, pagkasira na hindi na maibabalik. Walang duda rin na itinakda nito na walang nine-dash line ang Tsina.
Ang panggugulo ng usapin at pagsasabi ng mga argumentong nagpapalito ay hindi nakatutulong sa Pilipinas o sa iba pang bansang sumusuporta sa desisyon ng tribunal. Hindi rin ito nakatutulong sa ating mga kawal na walang iniindang nagsisilbi sa BRP Sierra Madre at ng mga mangingisdang nais pang makapangisda doon.
Ipagdiwang natin ang panalong ito.
Isang makabuluhang anibersaryo ng desisyong ito at luntiang pagbati sa lahat.