Paglulunsad ng Eksibisyon ng Kislap-Diwa
August 12, 2023Mensahe ni
SENATOR LOREN B. LEGARDA
Paglulunsad ng Eksibisyon ng KISLAP-DIWA
12 Agosto 2023 | 3PM |Pambansang Museo ng Pilipinas
Magandang hapon po at isang Maligayang Buwan ng Wika sa inyong lahat! Isang maalab na pagbati sa bawat isang nandirito ngayon. Sa bawat pagbigkas natin ng ating sariling wika, ipinamamalas natin ang malalim nating paggalang sa kasaysayan ng ating bansa.
Ipinagdiriwang rin natin tuwing huling Lunes ng Agosto ang Araw ng mga Bayani upang parangalan ang kagitingan ng lahat ng bayaning Filipinong nagsikap para maatim ang kalayaan ng bansa. Sila ay ang mga bayaning nagpamalas din ng galing sa pamamagitan ng masining na midyum ng mga nobela, tula, at sanaysay, upang ipahayag ang kanilang taimtim na adhikain para sa Pilipinas.
Ngayon ay muli tayong nagtitipon sa Pambansang Museo ng Pilipinas, ang kaban ng ating kamanahang kultural, para sa programang Kislap-Diwa: Labing-dalawang (12) Pagtatagpo ng Gunita sa Pamánang Pambansa, ang interaksyon ng mga manunulat at mga artista ng sining biswal.
Katulad ninyo, puno rin ako ng pananabik na matunghayan ang naging bunga ng nakalipas na tatlong buwang pagkakaisa ng dalawang larangan ng sining upang pahintulutan ang pagtatagpo ng kwento ng ating nakaraan sa kasalukuyan.
Natuwa ako noong una itong ipanukala ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario, ang pinakamamahal nating “Chair Rio”. Batid niyo namang hindi madalas ang pagkakataong magbahaginan ang mga haligi ng iba’t-ibang sining sa isa’t-isa, kung kaya mainam na bumubuo tayo ng mga pagkakataong tulad nito upang bigyan ng pagkakataon ang bawat alagad ng sining na magbahagi at maghandog ng kanilang kasanayan.
Ang napili nating daluyan ng diyalogong ito sa pamamagitan ng mga sining ay ang mga kayamanang bayang nakalagak dito sa Pambansang Museo. At bakit naman hindi? Batid nating ang siglo-siglong kasaysayan ng ating pagka-Filipino ay nakahabing maigi sa mga artepaktong ito na simbolo ng mayamang kaban ng ating kultura. Ito ay ang mga sagisag ng ating kwento, ng ating mga tradisyon, at ng ating mga paniniwalang nananatiling buhay sa harap ng napakaraming pagsubok na pumanday sa ating lahi sa mga nagdaang panahon.
Ngayon ay panahon ng inyong sining na mangusap sa ating henerasyon. Ang mga hagod ng mga pintor at taludtod ng mga makata, ay nagpapahayag ng kultura ng nakalipas sa isang paraang natatalos at nauunawan ng kasalukuyan. Pinapakita lamang nito ang pagkakakilanlan ay napapaloob sa mayamang harayang taglay ng diwang Filipino.
Tulad ng nabanggit ko sa aking mensahe noong simulan ang programang ito, nawa ang diyalogong nakamit natin ay maging alab ng mas malawak na pagsasama-sama at pag-uusap ng mga haligi ng iba pang mga disiplina ng sining, tulad ng musika, pagtatanghal, pelikula, at sayaw.
Bilang Tagapangulo ng Komite para sa Kultura ng Senado, patuloy kong susuportahan ang mga inisyatiba tulad nito upang lalo pang mapalalim ang kaalaman ng ating mga manunulat, artista, at iba pang mga manggagawang kultural tungkol sa ating mga kamanahang kultural at kasaysayan.
Bukod sa dedikasyon ni Chair Rio na pamunuan ang proyektong ito, pinasasalamatan ko rin ang mga katuwang nating sangay ng pamahalaan, ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, at ang Pambansang Museo ng Pilipinas, pati na sa mga samahang nakiisa ngayong hapon, ang “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo” o “LIRA” ng mga artista, at ang “Unyon ng Manunulat sa Pilipinas” o UMPIL.
Sama-sama nating tamasahin ngayong araw ang pagkamalikhain, kasaysayan, at pananaw. Nawa’y mamunga pa ang ating pagpupunyagi sa “Kislap-Diwa” na patuloy na magpapayabong sa ating paglinang sa sining at kulturang Pilipino.
Maraming salamat! Isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!