PAGHAWI NG PANANDANG KASAYSAYAN SA SIMBAHAN NG BALIWAG, BULACAN
August 28, 2023Magandang hapon po sa inyong lahat!
Nagagalak po akong makapiling kayong lahat ngayong hapon, sa okasyon ng pagpasinaya sa historical marker na ipinagkaloob ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa parokya ng Simbahan ng San Agustin dito sa Baliwag, Bulacan.
Kasabay ng ating pagdiriwang ng kapistahan ni San Agustin ang makasaysayang okasyong ito. Naniniwala akong paalala ito para sa ating lahat ukol sa kahalagahan ng pangangalaga sa ating mga pamanang natural at kultural, o ang tinatawag nating natural at cultural heritage.
Ang marker na ito ay hindi lamang tanda ng pagkilala sa inyong simbahan at lungsod, kundi isang simbolo ng pamana ng nakaraan, at isang paalala, lalo na sa mga kabataan, na lingunin ang aral ng kasaysayan na siyang magiging gabay sa pagsulong ng kabuhayan at kalinangan ng ating bansa.
Ang ating mga natural at cultural heritage ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang isang bayan. Sinasagisag nito ang pinagsama samang dunong, pagkamalikhain, at pagkamatatag ng ating mga ninuno, na siya ring humubog sa kalikasan at tradisyong pinahahalagahan natin magpahanggang ngayon.
Bilang isang tagapagtaguyod ng sining ng paghahabi, maikukumpara ko ito sa iba’t ibang mga hiblang hinabi bilang isang makulay na tapestry ng ating kasaysayan, kung kaya naman dapat nating pag-ingatan at pagyamanin ang mga pamanang ito.
Sa buong paglilingkod ko sa Senado at Kongreso, at ngayon bilang Tagapangulo ng Komite sa Senado para sa Sining at Kultura, patuloy akong naninindigan sa pangangalaga ng ating mga pamana. Dapat ay sama-sama tayong kumilos upang pangalagaan ang mga ito at tiyaking hindi ito mawawala dahil sa kapabayaan o kakulangan sa kaalaman.
Kaya naman buong pagmamalaki kong ibinabalita na ganap ng batas ang inakda nating “Cultural Mapping Bill,”na magbibigay ng mandato sa lahat ng mga local government units na tukuyin, pag-aralan, at protektahan ang ating mga natural at cultural heritage, tulad nitong makasaysayang Simbahan ng Baliwag. Mahalagang yugto po itong maituturing upang mapanatiling buhay ang diwa ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Taglay ng gusaling ito – ng Simbahan ng Baliwag – hindi lamang ang kasanayan sa arkitektura ng ating mga ninuno, kundi pati na rin ang salaysay ng Lungsod ng Baliwag, at kabahagi ng buong bansa.
Sa pagtiyak na mananatili itong matatag sa mahabang panahon, pinahahalagahan din natin na ang napakaraming kwentong nasaksihan dito, tulad ng kauna-unahang halalang pang-lokal ng buong Pilipinas. Dahil dito, patuloy na pupukaw sa isipan at diwa hindi lamang ng mga mamamayan ng Baliwag, kundi maging ng lahat ng dumadayo at nagtataguyod ng kahalagahan nito. Cliché man kung sabihin, ngunit totoo: ang ating mga pamanang kultural ang mga piping saksi sa ating kasaysayan.
Yaman din lamang nabanggit ko kanina na dito sa Simbahan ng Baliwag ginawa ang unang lokal na halalan sa Pilipinas,hayaan po rin ninyo akong magbigay ng isang personal na koneksyon sa yaman ng Bulacan. Ngayong nalalapit ang ating paggunita ng ika- isang daan at dalawampu’t limang (125) taon ng pagkakatatag ng Kongreso sa Malolos, kasama rin po sa aking paggunita ang aking lolo sa tuhod – si Ariston Rendon Gella – na naging bahagi ng Kongresong iyon na nag-akda ng kauna-unahan nating Saligang Batas. Ang kanyang mga ambag sa kasaysayan ng Bulacan at ng ating bayan ang siyang nagbibigay-inspirasyon sa akin na ipagpatuloy ang adhikang pangalagaan ang ating natural at cultural heritage. Marahil ito rin ang pinagmumulan ng aking dalisay na pagmamahal at panatang pagsilbihan ang ating bansa.
Sana po, habang masugid nating pinararangalan ang nakaraan, ay gayundin ang lakas nating tanawin ang ating hinaharap. Patuloy po akong nangangarap sa isang bukas kung saan ang ating natural at cultural heritage ay hindi lamang kinikilala, kundi pinangangalagaan at pinahahalagahan din para sa mga susunod pang henerasyon.
Hangad ko na ang ating munting pagtitipon ngayong hapon ang mag udyok sa inyong lahat na maging kaisa sa napakahalagang gawaing ito.
Maraming salamat po muli sa inyong paanyaya. Maligayang kapistahan po, at isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!