Pagbubukas ng Eksibit sa Wika
April 29, 2024Ang gawain ngayong araw ay ang ikalawang serye ng Eksibit sa Nanganganib na Wika, ang unang eksibit ay ginaganap noong Nobyembre 2023. Sa taong ito, tampok ang mga wikang Hatang Kaye ng mga Remontado na matatagpuan ang komunidad sa Tanay, Rizal at General Nakar, Quezon; at wikang Inata ng mga Ata na ang komunidad ay nasa Cadiz, Negros Occidental.
Ang Hatang Kaye at Inata ay kabilang sa 36 na wikang nanganganib nang maglaho. Ang kanilang mga komunidad ay matatagpuan sa kabundukan, pero bumababa sila sa bayan para ibenta ang kanilang mga produkto, mamili ng kanilang mga kailangan na wala sa bundok, maghanapbuhay, at marami pang iba. Ilan ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng language shift sa kanilang komunidad, mas nagagamit nila ang wika ng sentro kaysa sa kanilang katutubong wika. Bagaman, kailangan ito upang makasabay sila sa pagbabago ng panahon, kailangan ring ipreserba at palaguin ang paggamit ng inyong katutubong wika. Ang pagtatampok sa inyong awit, ritwal, likhang kamay sa eksibit na ito ay patunay na nariyan pa ang inyong wika at kultura kaya huwag ninyong hayaan itong maglaho.
Nasa ikatlong taon na tayo ng 2022-2032 International Decade of Indigenous Languages (IDIL), patuloy ko pa ring hinihikayat ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang entidad na paigtingin ang mga programa at proyektong magpapasigla sa wika at kultura ng mga katutubong mamamayan. Sa mga IPs, lalo na sa mga lider ng ICCs, malaki ang tungkulin na inyong ginagampanan upang mapasigla ang inyong wika at mapanatili ang inyong kultura. Isang malaking hamon sa inyo na patuloy na maipasa sa susunod na henerasyon ang inyong wika at kultura. Naniniwala ako sa inyong kakayahan na gawin ito at kami ay patuloy na susuporta sa inyo. Sama-sama tayo sa pagpapasigla ng mga nanganganib na wika.
Isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!