Pagbubukas ng Aklan Piña Handloom Weaving Exhibit

February 6, 2024

MENSAHE
SEN. LOREN LEGARDA
PANGULONG PRO TEMPORE NG SENADO NG PILIPINAS
Pagbubukas ng Aklan Piña Handloom Weaving Exhibit sa Senado
6 Pebrero 2024 | (2:00 N.H.)

​Naging mabunga ang taong 2023 pagdating sa kultura at sining ng Pilipinas na masasalamin sa mga naisakatuparan na gawain. Nagtapos ito sa pagkakatala ng Aklan Piña Handloom Weaving sa Representative List of the Intangible Cultural Heritage of Humanity ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization o UNESCO noong ika-anim (6) ng Disyembre.

​Ang tagumpay na ito ay katangi-tangi sa maraming kaparaanan. Bukod sa ito ang ika-lima na sa mga Intangible Cultural Heritage (ICH) o Buhay na Dunong ng Pilipinas na naitala sa mga listahan ng UNESCO, ang dunong na ito ang unang inscription para sa Visayas, kauna-unahan para sa bansa sa ilalim ng traditional craftsmanship domain, gayundin, unang paghahabing tradisyon sa Pilipinas na napabilang sa listahan ng UNESCO.

​Ang iba pang buhay na dunong ng Pilipinas na naitala sa UNESCO ay kabilang sa mga ritwal at sining ng pagtatanghal tulad na lamang ng Hudhud Chants, Punnuk Tugging Ritual ng mga Ifugao ng Northern Luzon, Darangen Epic Chants ng mga Meranaw, at Buklog Ritual ng mga Subanen mula sa Mindanao.

​Ipinagbubunyi ko ang taos-pusong pagkilalang ito sa Pina weaving, at ako’y nagagalak na ipagmalaki ito dahil una, ako ay isa ring Visayan. Ang aking pinagmulang probinsya ay ang Antique na katabi lang ng Aklan. Ikalawa, dahil ito ay tagumpay din ng tradisyon ng paghahabi dito sa Pilipinas. Ako po’y matagal nang maalab na sumusuporta sa tradisyon ng paghahabi at sa mga manghahabing Pilipino. Mayroon tayong mga programang nakalaan para tulungan ang mga manghahabi at ipagmalaki ang tradisyonal na paglikha ng paghahabi, tulad na lamang ng pagtatayo ng isang gallery sa habi sa Pambansang Museo ng Pilipinas, pagbibigay ng tulong sa mga komunidad ng manghahabi, katuwang ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) sa mga programa nito tulad ng Schools of Living Traditions (SLT), pagtatampok sa mga likhang-habi sa mga trade fairs tulad ng National Arts and Crafts Fair (NACF), pagbalangkas ng mga polisiya at programa para sa pangangalaga ng tradisyon ng paghahabi, higit sa lahat, ang pagsusuot ng mga kasuotan na gawa sa mga habi ng ating mga artisano.

​Ngayon, ikinagagalak ko pong ihandog sa inyo ang exhibit tampok ang buhay na dunong ng mga Akeanon. Datapwat ang Piña ang isa sa pinaka-kilalang habi sa bansa, patuloy ang ating pagsusulong na maitaas ang kamalayan ng nakararami sa tradisyunal na habi ng ating bansa. Taglay ng mga habi ang ating mga pinahahalagaha’t mga kwento – mga salaysay ng pagiging matatag at pagpupursige, ng ating kasanaya’t pagkamalikhain, ng pamilya at komunidad, na siya naman mga susi sa pagpapatuloy at pagpapayabong ng ating mga buhay na dunong.

Sa pamamagitan ng eksibit na ito, nawa’y lumalim ang ating pagtingin at pagkilala sa Piña, sa paglikha nito, sa patuloy na pagbabago ng disenyo at paggamit, at higit sa mga lumikha at patuloy na naghahabi nito — mga katauhan sa likod ng isang natatanging identidad at pangangalaga rito.

Ang eksibit na ito ay hindi lamang isang oportunidad upang mas lalong maipakilala ang Piña, ngunit isa ding pagpupugay sa mga magsasaka, mananahi, at iba pang katuwang sa pangangalaga ng buhay na dunong na ito. Ang kanilang dedikasyon at patuloy na pagtataguyod ng tradisyon ang siyang nagtaas ng pagkilala sa identidad ng mga Pilipino sa buong mundo — na ang haboe nga Piña ay isang patunay sa makasining na buhay.