Opening Statement of Senator Legarda | Organizational Meeting and Public Hearing of the Committee on Culture and the Arts

September 3, 2025

Magandang umaga po sa lahat. Pormal na po nating binubuksan ang pagdinig ng Komite sa Kultura at mga Sining.

Noong ika-labinsiyam na Kongreso, itinatag natin ang komiteng ito upang higit na mapalakas ang ating mga pagsisikap tungo sa pangangalaga at pagpapaunlad ng ating pambansang pagkakakilanlan at pamana. Naisakatuparan natin ang dalawang mahahalagang batas.

Una, ang RA 11961 o Cultural Mapping Law. Sa pamamagitan nito, sistematikong natutukoy, nadodokumento, at nabibigyan ng suporta ang ating mga tangible, intangible, natural, and built heritage. Sa pamamagitan nito, pinapalawak ang kulturang nakabatay sa maaasahang datos at talaan.

Pangalawa, ang RA 12073 o Bacoor Assembly of 1898 Act. Nitong nakaraang buwan, ipinagdiwang natin ang anibersaryo ng Araw ng Paglathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas. Ang pagkilalang ito, na ating isinulong ay pagbibigay-katarungan sa kabuuang salaysay ng ating kalayaan.

Nais ko ring banggitin na dito sa Senado ay naipasa sa ikatlong pagbasa ang Senate Bill No. 2583 o Aklan Piña Museum and Cultural Center Act. Bagamat walang naging katapat na panukala mula sa Kamara, malinaw ang kahalagahan nito. Ang piña handloom weaving ng Aklan ay kinilala ng UNESCO bilang bahagi ng Representative List of the Intangible Cultural Heritage of Humanity. Sa pamamagitan nito, masisiguro nating hindi lamang mapapanatili kundi mapauunlad ang kasanayang ito na nagbibigay ng kabuhayan at karangalan sa ating mga komunidad.

Kabilang ito sa mga panukalang ating pag-uusapan ngayon bilang Senate Bill No. 521. Bagama’t hindi pa pormal na nai-refer sa ating komite ang Senate Bill No. 1159 ni Senador Joel Villanueva para sa parehong layunin, ikinagagalak natin ang malinaw na suporta at pagkakaisa sa Senado upang palakasin ang pagpapanatili ng natatanging tradisyong ito.
Kasabay nito, narito ang iba pang mga panukalang ating tatalakayin:

Senate Bill No. 820 para sa pagtatatag ng Linangan ng Likha ng Bayan o Institute for Living Traditions, isang panukalang matagal ko nang isinusulong at isinulat sa panahon pa ng pamumuno ni NCCA Chair Felipe de Leon.

Senate Bill No. 700 ni Senador Lito Lapid, Senate Bill No. 800 na aking inihain, at ang bagong ini-refer sa ating Komite na Senate Bill No. 1028 ni Senador Jinggoy Estrada, para sa pagpapanatili ng mga katutubong laro at palakasan ng Pilipinas.

Senate Bill No. 875 ni Senador Jinggoy Estrada at Senate Bill No. 824 na aking inihain, hinggil sa pagpapahalaga sa ating sariling sistema ng pagsusulat.

Senate Bill No. 826 para sa paglikha ng isang konseho upang mabigyan ng malinaw na balangkas at suporta ang ating mga musikero bilang mahalagang bahagi ng ating ekonomiya at kultura.

Senate Bill No. 827 para itaguyod ang rondalla training programs para sa ating music teachers upang masigurong buhay na buhay ang pagsasanay na ito sa ating mga susunod na henerasyon.

Mga kasama, kultura ang ugat na nagpapakilos sa ating ekonomiya, lumilikha ng trabaho, at nagbibigay-inspirasyon para sa inobasyon. Hindi ito palamuti. Kultura ang puhunan ng ating kinabukasan.

Sa ating malawak na panitikan, sining, tradisyon, at katutubong karunungan nakaugat ang isang kayamanang walang kapantay, hindi nauubos, at hindi matutumbasan ng alinmang banyagang produkto. Dapat natin itong kilalanin, paunlarin, at pangalagaan upang magsilbi itong tagapagpalago ng kaunlaran sa edukasyon, turismo, malikhaing industriya, at ugnayang panlabas.

Maraming salamat!