Miting de avance speech by Senator Loren Legarda
May 10, 2013Sa nakalipas na tatlong buwan, akin pong naibahagi sa inyo ang aking mga nagawa at ang aking mga gagawin pa. Andyan na po ang Universal Healthcare Bill. Ang plano ko pong Pantawid Tuition Program. Mga polisiya para sa Ligtas na Barangay. Marami pa pong mga batas ang aking gagawin.
Ito po ang simpleng mensahe ko sa gabing ito, sa ating miting de avance.
Mr. President, noong 1985, pinag-isa ng iyong ina ang oposisyon. Ang mga magkatunggali ay pinagbuklod sa ilalim ng isang koalisyon. Ngayon, taong 2013, masasabi nating panahon muli para magkaisa.
Ang kampanyang ito ay para sa mga magagawa natin para sa ating bansa. Ito ay para sa daang matuwid ni Pangulong Aquino.
Lahat po kami dito ay nakikipagkaisa sa likod ng ating Pangulo. Ako po ay naniniwala sa liderato ni Pangulong Aquino. Ang aking masasabi lang sa inyo ay, tayo ay magkaisa sa likod ng Pangulong Aquino: napakalinis, napakatapat, lubos na nagmamahal at nag-aalaga.
Tama na ang alitan. Tama na ang bangayan. Kapit-bisig po nating harapin ang mga pagsubok. Sama-sama nating tahakin ang ating minimithing “Daang Matuwid.”
Lahat po sa inyo ay nakararamdam ng paghihirap sa buhay. Ang hirap niyo ay ramdam na ramdam ko rin. Sa haba ng aking buhay naranasan ko na ang lahat ng uri ng pananakit, personal man o pulitikal. At sa lahat ng hamon at unos sa aking buhay, napagtanto ko na mayroon tayong Diyos, that there is Divine Justice. Ang inyong pagmamahal at ang inyong tiwala ang nagbibigay sa akin ng lakas at katatagan ng loob upang patuloy kayong paglingkuran. At lahat po ng mga nanira, mga nanlait at patuloy na may masamang hangarin ay ipagdasal na lang natin at ipasa-Diyos. Ang mahalaga, lahat po tayo ay makipagtulungan kay Pangulong Aquino.
Sa kabila ng mga hamon ng buhay, maging panatag tayo sapagkat mayroon tayong Pangulo na masipag at mapagkakatiwalaan, isang Pangulo na gumagabay sa atin. At sa bawat malinis na hangarin, sa bawat pagsubok, alam natin na may Diyos na nagmamahal.
Ang mahalaga kasama ninyo ako sa hirap at ginhawa, sa mga nakalipas na 15 taon at sa darating pang 6 na taon. Tayo ay magtutulungan. Ako ay inyong maaasahan. Hindi ko kayo tatalikuran. Ang aking tagumpay ay hindi tagumpay ng isang Loren Legarda, o ng sinumang kandidato ng Team PNoy. Ito ay tagumpay ng taong bayan.
Salamat sa inyong patuloy na suporta at pagtitiwala. Sa lahat ng nagpahirap sa akin, salamat at pinatibay ninyo ang aking loob. Salamat sa Panginoon sa lahat ng kanyang biyaya. Salamat sa inyong lahat. Mahal na mahal ko kayo!