Message: Tiringbanay Festival 2019
April 22, 2019Message of Senator Loren Legarda
Tiringbanay Festival 2019
22 April 2019 |San Jose, Antique
Mayad nga aga ka ninyo nga tanan!
Binabati ko ang mga opisyal ng bayan ng San Jose de Buenavista at ang mga punong-abala sa pagdaraos ng Tiringbanay Festival 2019, sa pangunguna ni Municipal Mayor Elmer Untaran, at ang ating mga kasimanwa na nandito upang makiisa sa selebrasyon ng mayamang tradisyon at kultura ng San Jose de Buenavista.
Ako ay nagagalak na masaksihan at maging bahagi ng isang mahalagang pagtitipon para sa mga San Josenhons. Napakaganda ng ibig sabihin ng kapistahan na ito. Ang Tiringbanay pala ay mula sa salitang “tiringub” na ang ibig sabihin ay “to be together” o “magsama-sama”, dahil sa mga araw na ito nagkakasama-sama ang mga San Josenhons upang alalahanin ang kasaysayan ng bayan at ipagdiwang ang kapistahan ng patron sa si San Jose Manggagawa. Sana ay nakatulong ang direct flights ng Philippine Airlines sa ating mga San Josenhons na umuwi at uuwi para sa kapistahang ito. Magandang balita dahil simula April 25 ay tatlong beses kada linggo na—tuwing Linggo, Martes at Huwebes—ang flights ng PAL from Clark International Airport to San Jose Airport. Ako po ay lubos na nagagalak dahil maraming Antiqueño at mga turista ang tumatangkilik sa mga biyaheng ito.
Sa pagbubukas ng Tiringbanay Festival ay tampok din ang iba’t ibang produkto ng San Jose. Nais natin na pagyamanin ang mga produktong ito at tulungan ang ating mga micro at small entrepreneurs na palaguin ang kanilang negosyo.
Bilang Chair ng Senate Committee on Finance, ako ay naglaan ng pondo sa ilalim ng Department of Trade and Industry upang maisakatuparan ang Shared Service Facilities o SSF program sa Food Processing and Toll Packaging Center. Naniniwala ako na malaki ang maitutulong nito upang mas mapaganda ang mga produktong ipinagmamalaki ng San Jose.
Bukod dito, mayroon tayong mga programa tulad ng Barangay Kabuhayan Skills Training Program at Special Training for Employment Program sa ilalim ng TESDA, Pangkabuhayan Program at TUPAD sa ilalim ng Department of Labor and Employment, at Sustainable Livelihood Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.
Marami po tayong iba ibang programa sa kabuhayan, edukasyon at kalusugan. Nais ko po na umunlad hindi lamang ang ating bayan, ngunit lalo’t higit ang bawat Antiqueño. Kaya naman aking hinihiling ang inyong suporta sa hangarin kong pagbutihin ang kinalalagyan ng ating mahal na Antique. Maraming pang proyekto ang naghihintay para sa San Jose at para sa ating probinsya.
Sinisimbolo ng Tiringbanay Festival ang pagsasama-sama ng mga San Josenhons. Sana ito ay maging hudyat ng mas maigting na pagsasama at pagkakaisa hindi lang ng mga San Josenhons, ngunit maging ng lahat ng mga Antiqueño tungo sa tuloy-tuloy na progreso.
Mga kasimanwa, sama-sama nating iangat ang ating probinsya. Panahon run kang pag-uswag, Antique!
Duro gid nga salamat kaninyo nga tanan! Kruhay!