Message: Student leaders’ Induction Program
September 11, 2019Message of Deputy Speaker and Antique Congresswoman Loren Legarda
Student Leaders’ Induction Program
11 September 2019 | University of Antique Cultural Center
Mayad nga hapon ka ninyo nga tanan!
Binabati ko ang mga mag-aaral ng University of Antique, lalong lalo na ang mga lider-estudyante na magsasagawa ng kanilang panunumpa ngayong araw. Binabati ko rin ang mga mabubuti at masisipag na guro at opisyal ng UA.
Hindi malilimutan ng bawat lider sa lipunan ang kanyang Araw ng Panunumpa, dahil ito ay nagpapahiwatig ng isang simula: ang misyon na maglingkod sa kanyang kapwa at sa kanyang komunidad.
Isang malaking karangalan at responsibilidad ang mahalal sa katungkulan. Ibinibigay nito sa lider ang kapangyarihan na magdesisyon para sa ikakabuti ng kanyang kapwa at pamayanan.
Kayo ay hindi naiiba sa akin, na inyong Congresswoman. Kayo ay tinawag ng inyong mga kapwa mag-aaral sa UA, pinili upang sila ay pamunuan, at binigyan ng tiwala at kapangyarihan upang gumawa ng mga desisyon at programa na magsusulong ng kanilang mga karapatan.
Bilang mga lider-estudyante, kayo ay naatasan na itaguyod ang kanilang mga adbokasiya at adhikain. Kayo ay binigyan ng mandato hindi lamang ng mga mag-aaral ng UA, kung hindi pati na rin ng bayan, na maging mabuting halimbawa sa kanila. Katulong ang pamahalaan, kayo ang magsisilbing daan upang ang interes ng mga mag-aaral at kabataan ay mabigyan ng proteksyon at prioridad.
Sa araw na ito, hinihikayat ko kayo na maging tapat sa inyong misyon at tungkulin. Maging mabuti, masipag, at inspirasyon sa inyong kapwa. Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang ang bawat hinaing ng mag-aaral ay mabigyan ng solusyon at ang bawat tanong ay mabigyan ng kasagutan.
Hindi magiging biro ang inyong haharapin bilang mga lider, ngunit kayo ay mapalad na sa murang edad ay nabigyan kayo ng pagkakataon na makapaglingkod.
Magtapos man ang inyong panunungkulan, nawa ay patuloy ninyong tahakin ang landas patungo sa serbisyo publiko at maging huwarang mamamayan at lingkod-bayan.
Duro gid nga salamat! Palangga ko kamo!