Message: Provincial Solid Waste Management Board Meeting
September 23, 2019Message of Deputy Speaker and Antique Congresswoman Loren Legarda
Provincial Solid Waste Management Board Meeting
23 September 2019 | San Jose de Buenavista, Antique
Mayad nga aga ka ninyo nga tanan.
Binabati ko ang mga kawani ng ating lokal na pamahalaan na nasa pagtitipon na ito.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang patuloy na pagbabago sa ating klima at paglaki ng ating problema sa kalikasan.
Ang hindi wastong pagtapon ng mga basura ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit laganap ang polusyon, hindi lamang sa ating probinsya, kung hindi pati na rin sa buong bansa.
Ngunit ang suliranin na ito ay hindi na bago sa atin. Noon pa man ay nakita na natin ang pangangailangan para sa mga batas na magdidisiplina sa atin kaya naman ang inyong lingkod ay nagsagawa ng mga batas na ngayon ay itinuturing natin na landmark environmental laws sa ating bansa.
Bilang three-term senator, ako ang nagbigay-daan upang maging batas ang Environmental Awareness Education Act, Clean Air Act, Climate Change Act of 2009, Renewable Energy Act, at Solid Waste Management Act na siyang dahilan ng pagtitipon ngayong umaga.
Mga kasimanwa, bagaman ilang taon na ang nakakalipas mula ng maging batas ang Solid Waste Management Act o Republic Act No. 9003 ay makikita pa rin ang mga kakulangan sa implementasyon nito. Makikita na hindi lahat ay mayroong kaalaman sa batas na ito at kung mayroon man ay ang kawalan ng disiplina at pakialam dito.
Batid ko na hindi madali ang pagpapatupad nito dahil sa mga nakagawian, ngunit ako ay patuloy na umaasa na sa ating pagtutulungan ay magiging matagumpay din ang pagpapatupad nito. Naniniwala ako na sa pakikipagtulungan ng bawat isa ay makakamit natin ang mga layunin nito.
Nawa ay maging susi ang pagtitipon na ito upang palakasin ang ating kampanya laban sa polusyon at mas marami pang kasimanwa natin ang makiisa at makipagtulungan para sa ating kalikasan.
Hiling ko ang produktibong pagtatapos ng araw na ito para sa ating lahat.
Duro gid nga salamat. Palangga ko kamo!