Message of Deputy Speaker Loren Legarda Turnover of Pineapple Fiber Extraction Facility in Balete, Aklan (December 17, 2020)
December 23, 2020Isang mapagpalang umaga sa ating lahat.
Natitipon tayong lahat sa araw na ito upang pasinayaan ang pineapple fiber extraction facility dito sa Balete, Aklan, isang pasilidad na malaki ang maiaambag sa pagunlad ng ating industriya ng paghahabi dito sa ating rehiyon.
Ang paghahabi ay isa sa mga tradisyon na madalas ay naisasantabi dala na kinakakitaan ito ng kakulangan ng importansya. Ngunit para sa inyong lingkod, kinakailangan natin ito sapagkat sa mga maliliit na mga komunidad, ang maliit na negosyo ng paghahabi ay isang hanap-buhay ng mga residente.
Subalit, paano naman magtatagal at uusbong ang industriya kung hindi natin ito bibigyan ng kaukulang suporta? Kaya naman, noong 2018, noong ako ay Chairperson ng Committee on Finance sa Senado, ay siniguro ko na mabigyan ng kaukulang pondo ang pagpapaunlad ng sektor na ito. Sa pakikipagtulungan natin sa Philippine Fiber Industry and Development Authority, nakapaglaan ng pondo upang makapagpatayo din tayo ng mga weaving and processing centers at cotton processing centers, sa iba’t ibang panig ng bansa: sa Ilocos Norte, Ifugao, Antique, Iloilo, South Cotabato at Misamis Oriental. Pinasinayaan lang din natin noong Martes lamang, December 15, ang isang cotton processing facility sa aking probinsya, sa bayan ng Patnongon. Minarapat talaga natin na pagdugtungin ang supply chain mula sa pagtatanim ng butil ng cotton sa Ilocos Norte, Pangasinan, Iloilo, Antique, Negros Occidental, Zamboanga del Sur at South Cotabato, hanggang sa paghahabi nito. Nakapagpadala rin tayo ng mga weavers mula sa Aklan sa ibang bansa, sa tulong ng ating Pambansang Museo sa pamamagitan ng travelling exhibition ng Hibla. Talaga naman maigting ang ating pagnanais na maisiguro na mayroong matibay na salalayan na mapagsasandalan para sa isang matibay na industriya ng paghahabi.
Napakahalagang mapanatili at mapaunlad natin ang industriya ng paghahabi, at mapangalagaan ang kaakibat nitong traditional knowledge. Ngunit, nararapat din nating tiyakin ang pag-unlad ng buhay ng ating mga weavers sa kani-kanilang pamayanan. Isang pamamaraan ang pagpapatayo natin ng weaving and processing centers, cotton processing centers, at pineapple extraction facilities upang matiyak na may sapat na imprastraktura, kagamitan, at suporta ang bawat naghahabi.
Bukod sa patuloy na pagbibigay ng suporta sa maliliit na negosyo sa pamamagitan ng programa ng Shared Service Facility (SSF) ng Department of Trade and Industry at Schools of Living Traditions (SLT) at Assistance for Filipino Artisans ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), bahagi rin ng aking personal na adbokasiya ang pagtangkilik ng ating mga local textiles. Napakagandang isipin na sa bawat habi at sa bawat tela ay may parte ng kasaysayan at kultura tayong nasisilayan.
Ipinapangako ko na ako ay magiging patuloy ninyong kakampi sa layunin nating iangat ang industriya ng paghahabi, hindi lamang dito sa ating rehiyon, ang Western Visayas Region, kung hindi pati na rin sa buong bansa.
Maraming salamat.