Message: TESDA World Café of Opportunities
August 28, 2019Message of Deputy Speaker and Antique Congresswoman Loren Legarda*
TESDA World Café of Opportunities
28 August 2019 | Robinsons Place Antique
Mayad nga aga ka ninyo nga tanan!
Isang karangalan ang maanyayahan sa inyong programa. Bagama’t hindi makakapunta dahil kasalukuyang mayroong mga budget hearing at session sa Kongreso, nais kong pasalamatan ang bawat isa sa inyo, dahil kayo ay nagpunta at nakiisa sa programa na ito.
Layunin ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na mapadali at mapabilis ang paghahanap ng trabaho ng mga graduate ng Technical and Vocational Education and Training o TVET kaya mayroong mga programa tulad ng World Café of Opportunities o WOC.
Ang mga programa tulad nito ay nagbibigay-pansin at oportunidad sa mga graduate ng TVET na katuwang ng ating gobyerno sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagpapatibay ng pundasyon ng ating work force. Ang kanilang sipag at tiyaga ay patunay na hindi nasusukat sa antas ng edukasyon na tinapos ang husay at galing ng isang tao.
Ang mga graduate din ng TVET ang dahilan kung bakit, bilang Deputy Speaker at inyong Congresswoman, ay patuloy nating sinusuportahan ang pagbibigay ng libu-libong scholarship sa ilalim ng TESDA at pagpapatayo ng mga TESDA Training Center sa ating probinsya. Layunin ng mga programa na ito na gawing abot-kamay ang kalidad na edukasyon sa ating kabataan, dahil ito ay kanilang karapatan.
Karapatan ng ating kabataan ang makapag-aral, makapagtapos, at makahanap ng trabaho na naaayon sa kanilang tinapos at interes.
Kaya naman nais kong batiin ang TESDA para sa kanilang matagumpay na pagsasagawa ng WOC at sa kanilang pagdiriwang ng ika-dalawampu’t limang anibersaryo! Maraming salamat sa dalawampu’t limang taon ng paggabay at pagbibigay serbisyo sa ating mga mag-aaral.
Ganoon din, binabati ko kayong lahat ng Happy National Tech-Voc Day! Nawa ay maging produktibo ang araw na ito para sa ating lahat.
Duro gid nga salamat! Palangga ko kamo!