Message: Maninihon Festival 2019 (LGU and Barangay Day)
February 23, 2019Message of Senator Loren Legarda
Maninihon Festival 2019 (LGU and Barangay Day)
23 February 2019 |Tibiao, Antique
Mayad nga aga ka ninyo nga tanan!
Ikinararangal ko na ako ay maanyayahan sa espesyal na araw na ito sa inyong munisipalidad. Ang aking puso ay nag-uumapaw sa kasiyahan matunghayan lamang ang mga makukulay na banderitas at ang inyong mga naggagandahang ngiti.
Ako ay nagagalak dahil aking nasaksihan at ako ay naging bahagi ng isang selebrasyon ng sining at kultura dito sa ating probinsya ng Antique.
Tibiao Bayang Sagana, Buhay ay Paunlarin, Mga Manggagawa ng Palayok Ipagdiwang Isang magandang paalala sa ating lahat ang paksa ngayong taon kung paano nagiging instrumento ang sining upang buhayin at patuloy na pagyamanin ang ating kultura at lahi.
Ang sining ng pagpapalayok ang nagsisilbing daan upang ang mga mamamayan ng Tibiao ay magkaisa patungo sa isang hangaring paunlarin ang bayan ng Tibiao.
Ang pagpapalayok din sa bayan na ito ay simbolo ng pagiging matiyaga, dedikado, at malikhain ng bawat Tibiaoanonbawat ukit sa nilikhang palayok ay simbolo ng oras at sikap na inilaan ng nag-ukit nito.
Kaya naman aking pinagbubutihan, bilang inyong kasimanwa Inday Loren, na ipagmalaki sa buong mundo ang inyong husay sa larangan ng pagpapalayok.
Mayroon tayong mga programa tulad ng Antique Harvest Fair, kung saan mahigit sa dalawamput dalawang exhibitors ang nakibahagi, kasama na ang mga magpapalayok ng Tibiao, at National Arts and Crafts Fair, kung saan lahat ng munisipalidad sa probinsya ng Antique ay nakilahok upang maipagmalaki ang kani-kaniyang husay sa larangan ng sining.
Sa tulong ng Department of Trade and Industry ay nabigyan ng oportunidad at tulong ang ating mga kasimanwa sa pamamagitan ng mga training at seminar o sa pamamahagi ng equipment at mga materyal.
Bukod sa pagpapalayok, sinusuportahan rin natin ang iba pang kabuhayan tulad ng paghahabi. Nagpatayo tayo ng weaving center para sa Malabor Abaca-Piña Weavers Association upang masiguro ang pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan at mapanatili ang kultura ng paghahabi sa ating probinsiya.
Ito ay ilan lamang sa ating mga programa para sa ating mga kasimanwa. Marami pa ang darating. Hindi na tayo papayag na ang ating probinsya ng Antique ay mahuli.
Matapos ang tatlumpung taon ng pananatili sa dilim, panahon na upang masilayan ng Antique ang mundo at masilayan ng mundo ang husay at galing ng Antique.
Aking hinihiling ang inyong lubos na pakikiisa sa hangarin kong pagbutihin at pagyamanin ang kinalalagyan ng ating probinsya. Ang ating pagkakaisa lamang ang tanging daan upang ang bawat Antiqueño ay magkaroon ng isang magandang bukas.
Panahon na upang ang Antiqueño naman ang mauna. Panahon na upang ang Antiqueño naman ang magpakita ng husay, talino, at galing.
Panahon run kang pag-uswag, Antique!
Duro gid nga salamat kaninyo nga tanan!