Message: Inauguration of Yakan Village

March 25, 2019

Message of Senator Loren Legarda*
Inauguration of Yakan Village
25 March 2019

*Delivered by Renee Talavera, NCCA

 

Napakayaman ng ating bayan sa kultura, lalo na ng ating mga katutubo. Sa katunayan, ang ating mga katutubong kultura ay mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.

 

Nakakalungkot lamang na mayroon tayong mga kababayan, at kung minsan mga katutubo mismo, na nakalilimot sa ating kultura o naisasantabi ang mga nakagawian upang makasabay sa uso. Kaya napakahalaga na palakasin natin ang mga programa para itaguyod ang iba’t ibang aspeto ng ating kultura.

 

Ito ang dahilan kaya sinuportahan ko ang ating mga Schools of Living Traditions o SLT upang mapangalagaan at maipasa sa mga susunod pang mga henerasyon ang iba’t ibang kaugalian at tradisyon ng ating mga katutubong komunidad. Sinusuportahan ko ang mga pamayanan natin na naiintindihan ang kahalagahan ng ating katutubong kultura at ang masiguradong ito ay maipreserba, lalo na ang pamayanan ng mga Yakan, na napakasagana sa kultura.

  

Tama lamang na lubos na pahalagahan ang pagkamalikhain ng mga katutubo at itaguyod ang mga tradisyon na nagbibigay kahulugan sa ating pagka-Pilipino. Asahan po ninyo ang patuloy kong pagsuporta sa ating mga katutubong komunidad na magkaroon ng mga oportunidad upang umunlad ng hindi kinakailangang iwan ang mga nakagawian.

 

Ang ating pinagmulan ay hindi dapat malimutan ng bagong henerasyon ng mga Pilipino, sa mga siyudad man o sa pinakamalalayong mga isla. Bagamat mahirap, kailangan nating ipagpatuloy at pagtagumpayan ang ating adhikain dahil ang ating pagkilala sa ating pamana ay mahalagang bahagi ng ating pagkatao at nararapat lamang na ipasa sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino.

 

Maraming salamat at mabuhay ang kulturang Pilipino!