Message: Community Health Workers’ Summit
December 19, 2018Message of Senator Loren Legarda
Community Health Workers’ Summit
19 December 2018 | Binirayan Stadium, San Jose, Antique
*Delivered by Gov. Rhodora Cadiao
Mayad nga adlawun kaninyo nga tanan!
Binabati ko ang ating mga community health workers na mga katuwang natin sa pagtataguyod ng kalusugan ng ating mga kasimanwa.
Mahalaga ang inyong tungkulin dahil kayo ang tagapagbigay ng impormasyon sa kalusugan; kayo ang malapit sa komunidad na sumusubaybay sa mga espesyal na pangangailangan ng mga sanggol, kabataan, buntis at matatanda; kayo ang nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga nasa liblib na lugar sa probinsiya.
Mahirap ang inyong trabaho at kung minsan ay hindi pa nabibigyan ng sapat na pagkilala. Kaya naman hayaan ninyo akong bigyang-pugay kayo sa inyong dedikasyon, sakripisyo at pagmamahal sa inyong tungkulin. Saludo ako sa inyong lahat at sana ay pagbutihin pa lalo ninyo ang inyong gawain.
Isa sa mga prayoridad ko ang kalusugan ng ating mga kasimanwa kaya naglaan ako ng pondo para sa medical assistance sa lahat ng government hospitals sa Antique at sa mga kalapit na probinsiya. Pinapaayos at pinapaganda din natin ang mga pasilidad ng ating mga ospital at rural health units. Naglaan din tayo ng mga ambulansiya sa bawat munisipyo. Mayroon din tayong mga feeding programs at hinihikayat ko ang lahat ng mga paaralan at mga barangay na magkaroon ng mga gulayan para masustansiyang gulay at prutas ang kinakain lalo na ng kabataan.
Ilan lamang yan sa ating mga programa at alam ko na magiging katuwang ko kayo lalo na sa pagpapalaganap ng mga kaalaman sa kalusugan.
Importante ang malusog na mamamayan sa pag-unlad. Ang sapat na nutrisyon sa mga kabataan ay napakahalaga din dahil ang mga malulusog na kabataan ay magiging mas matagumpay sa kanilang paglaki. Kaya sikapin nating lahat na mahikayat ang ating mga kasimanwa na maging malusog at malakas ang pangangatawan.
Asahan ninyo ang marami pang programa para sa ikabubuti ng bawat Antiqueño. Sama-sama nating iaangat at pauunlarin ang ating mahal na probinsya.
Duro gid nga salamat kaninyo nga tanan! Kruhay!