Message: 25th Anniversary of The Hague Joint Declaration
September 2, 2017Message of Senator Loren Legarda
25th Anniversary of The Hague Joint Declaration
2 September 2017 | University of the Philippines Diliman
Ako po ngayon ay nakikiisa sa pagdiriwag ng ika-dalawampu’t limang (25th) anibersaryo ng The Hague Joint Declaration at nais ko pong ipahayag ang aking pagsuporta sa pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan.
Batid naman po ninyong lahat na minsan na akong naging bahagi ng misyon upang tulungan na masiguro ang mapayapa at walang kondisyong pagpapalaya ng mga opisyal ng militar at pulisya at iba pang bihag noong 1999 kaugnay ng negosasyong pangkapayapaan.
Masaya sa pakiramdam na nakatulong ako sa pagkakaligtas sa mga nabihag noon. Ngunit bukod doon ay nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa sa kahalagahan ng usaping pangkapayapaan para sa magkabilang panig—sa gobyerno at sa NDFP. Noong mga panahon ng negosasyon, bagamat ako ay nasa gobyerno, nadama ko ang katapatan at sinseridad sa rebolusyonaryong pwersa. Naroon ang respeto sa isa’t isa dahil ang hangarin ay nagkakatugma.
Iisa ang ating hangarin—kapayapaan. Marahil ay nagkakaiba sa pamamaraan na nais natin sa pagsulong at pagtataguyod sa bansa, at iyon ang patuloy nating dapat pagusapan. Naniniwala ako na mahahanap din natin ang ating “common ground” sa tulong na rin ng The Hague Joint Declaration.
Malinaw na sinasabi ng The Hague Joint Declaration na ang pagsasagawa ng negosasyong pangkapayapaan ay dapat na alinsunod sa mga prinsipyo na katanggap tanggap sa magkabilang panig, kabilang ang pambansang soberanya, demokrasya at katarungang panlipunan.
Bilang pinuno ng Committee on Finance sa Senado, makatitiyak po kayo sa aking suporta lalo na sa social reform agenda ng NDFP, na karamihan ay sakop ng mga kasalukuyang batas at pinopondohan sa pambansang badyet.
Kailangan nating itaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa para sa kapakanan ng milyun-milyong Pilipino na makikinabang sa isang mapayapa, inklusibo at progresibong bansa. Magtutulungan tayong lahat upang makamit ito.
Maraming salamat po.