Mensahe: Seremonya sa Panunumpa ng Tagapangulo ng NCCA, National Artist Virgilio S. Almario

January 12, 2017

Mensahe ni Senador Loren Legarda

Seremonya sa Panunumpa ng Tagapangulo ng NCCA, National Artist Virgilio S. Almario

12 Enero 2017, NCCA Gallery

 

Una sa lahat, nais ko magpasalamat sa dating Tagapangulo ng NCCA, Propesor Felipe de Leon Jr. Maraming magagandang proyekto ang naisakatuparan sa ilalim ng kaniyang panunungkulan, kabilang na ang pagbibigay ng patuloy na suporta sa ating mga katutubo at sa mga Schools of Living Tradition o SLTs, pagpapaunlad sa iba’t ibang uri ng sining, at pagpapalawak sa kaalaman ng mga Filipino tungkol sa ating kultura.

 

Ako mismo—na bagama’t isang senador at nagawaran na ng mga parangal sa aking adbokasiya-  batid ko na marami pa akong dapat matutunan. Itinuturing ko ang aking sarili na isang estudyante ng sining at kultura. Marami akong natutunan at bagong natuklasan tungkol sa ating mga katutubong sining sa aking mga pakikipagusap kay Propesor Jun at sa mga programang aming isinagawa.

 

Kaya naman ako ay lubos na nagpapasalamat sa kaniya dahil ibinahagi niya ang kaniyang kaalaman at kadalubhasaan hindi lamang sa akin, kundi sa buong NCCA at sa mga Filipino.

 

Para sa bagong Tagapangulo ng NCCA, Virgilio Almario, ako po ay lubos na nagagalak dahil kayo ang naitalaga upang mamuno sa ahensiya. Isang karangalan para sa isang ahensiya ng kultura at sining na mapamunuan ng isang Pambansang Alagad ng Sining.

 

Noon pa man na kayo ay Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino ay marami nang proyekto ang naisagawa upang mapalawak ang kaalaman at pagpapahalaga ng mga Filipino sa ating Pambansang Wika at maging sa iba pang katutubong wika sa bansa.

 

Ako ay nasasabik sa inyong mga plano para sa ating kultura at sining. Batid ko na malaki ang inyong maiaambag sa pagpapatuloy ng mga makabuluhang programa ng ahensiya dala na rin na inyong malawak na kaalaman at karanasan sa ating kalinangan.

 

Tayo po ay naglaan ng sapat na pondo para sa mga programang inihain ng NCCA para sa taong ito at asahan po ninyo ang patuloy na suporta ng Kongreso.

 

Mayroon din tayong panukalang batas sa Senado para sa pagtatag ng isang Kagawaran ng Kultura at Sining  (Department of Culture and the Arts) na naglalayong palakasin at mabigyan ng higit na atensyon ang sektor ng kultura at sining.

 

Umaasa ako sa mas marami pang programa na ating pagtutulungan. Muli, binabati ko ang bagong Tagapangulo ng NCCA.

 

Maraming salamat.