MENSAHE PARA SA IKA-126 NA ANIBERSARYO NG ARAW NG KALAYAAN NG PILIPINAS

June 11, 2024

Ako ay nagagalak sa panibagong pagkakataon para sa sambayanang Pilipino na gunitain ang isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan.

Sa ika-isandaan at dalawampu’t anim na anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas, nananatiling matibay na paalala ang pagdiriwang na ito sa mga laban at sakripisyo ng ating mga ninuno para matamasa natin ang kaayusan at demokrasya sa lipunan ngayon.

Ang Araw ng Kalayaan ay para sa lahat ng Pilipinong patuloy na nagsusumikap upang makapagbigay ng magandang buhay sa kanilang pamilya… Para sa mga Pilipinong patuloy ang pakikipaglaban para sa kanilang karapatan… Para sa mga Pilipinong kaisa ng bansa sa pagtataguyod ng isang maunlad, makakalikasan at mapagpalayang bayan… At para sa mga Pilipinong saan mang sulok ng mundo ay patuloy na iwinawagayway ang ating bandila at nagbibigay ng karangalan at pagkilala sa bansang Pilipinas.

Patuloy nating pag-alabin ang diwa ng nasyonalismo at laging alalahanin ang mga aral ng nakaraan.

Isang makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa ating lahat!